Friday, September 21, 2007

ZTE contract nilabag ang tamang proseso

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, September 21, 2007

ANI President Arroyo, dapat tuparin ang mga kontrata ng gobyerno kapag dumaan ito sa tamang proseso, miski binabatikos sa media. Hindi ko kokontrahin ang sinabi niya. Kung tama ang proseso, tama rin ang presyo, kaya hindi masisira ng banat sa media.

Pero kung ang tinutukoy ni Arroyo ay ang umaalingas­ngas na ZTE contract, huwag na niya ito ipagtanggol dahil maling-mali ang proseso.

Una, inutos ni Arroyo sa Cabinet meeting nu’ng Nob. 21, 2006 na ipapatupad ang national broadband network sa paraang Build-Operate-Transfer ng pribadong sektor. Ito’y para walang risk o gastos o utang o sovereign guarantee ang gobyerno. E bakit supply contract ang in-award sa ZTE Corp. ni DOTC Sec. Larry Mendoza nu’ng Abril 21, 2007, at may kalakip pang utang na $330 milyon (P16 billion) sa China.

Ikalawa, nag-ahin ng unsolicited proposal ang Amster­ dam Holdings Inc. nu’ng Dis. 5, 2006, sa ilalim ng B-O-T Law. Ayon sa batas, dapat simulan ng ahensiya (DOTC) ang pagsusuri sa proposal sa loob ng 60 araw. Pero Mar. 2007 na, hindi man lang tiningnan ang papeles ng AHI.

Ikatlo, ayon sa Procurement Reform Act, dapat idaan sa electronic bidding ang pagkokontrata para walang dayaan. Walang public bidding sa NBN, miski merong ikatlong bidder, ang Arescom ng America. Pinalusot na lang ng DOTC at DOJ na kesyo executive agreement kasi.

Ikaapat, ayon sa Telecoms Policy Act, dapat umatras na ang gobyerno sa telecoms industry para paunlarin ng pribadong sektor. Pero sa pamamagitan ng NBN, magka­karoon muli ang gobyerno ng telecoms system. Hindi naman ito kakayaning patakbuhin ng DOTC, dahil ‘yung tatlong mas maliit dito ay pinalpak na. Ni hindi natin ito kailangan, anang mga dalubhasa.

Ikalima, anang Omnibus Election Code, bawal mag-award ng supply o service contract ang gobyerno habang election period, para nga naman hindi mapaboran ang sinomang nag-aabuloy sa kampanya. E bakit pinirmahan itong ZTE contract sa kalagitnaan ng election period?