Friday, August 31, 2007

AFP natatalo na ba?

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, August 31, 2007

NABABAHALA ang madla sa nangyayari sa kanilang Sandatahang Lakas. Nang ambushin ng MILF ang Marines nu’ng July 10 sa Albarka, Basilan, 14 ang patay at siyam ang sugatan. Dalawang beses din tinambangan ng Abu Sayyaf ang Army nu’ng Aug. 6 sa Indanan, Sulu, at 27 ang patay sa loob ng maghapon. At nang Marines naman ang lumusob nu’ng Aug. 11 sa kuta ang Abu Sayyaf sa Basilan, 15 ang sawi, kabi­ lang ang limang tinyenteng bagong graduate pa lang sa Philippine Military Academy. Natatalo na ba ang AFP sa mga rebeldeng Moro at teroristang Islamista?

“Hindi lumakas ang kalaban,” ani retired Army Lt. Gen. Romeo Dominguez sa Association of Generals and Flag Officers, “nanlupaypay lang ang AFP.” At bilang dating hepe ng Task Force Comet sa Western Mindanao at ng Northern Luzon Command, ipinunto niya kung bakit:

• Mahinang pamumuno. Batay sa ulat, hilo ang mga sun­ dalo; walang iisang kumander na kumukumpas, o operational center na nagmamasid. Iba-iba ang bersiyon sa mga naganap; nagbintangan pa ang mga pinuno sa isa’t-isa. At walang ma­bilisang pagtugis sa mga natitirang kalaban. Isipin pa na may mga heneral na puro lang pa-pogi, pa-golf o pa-shoot fest — imbis na patatagin ang team spirit, at galing ng unit sa pagbaril at maneuver, at pagsanay sa combat at taktika ng kalaban.

• Kulang sa training. Halata sa mga insidente na naka­limutan na ng mga units ang training nila. Lumiliit na ang military camps kaya hindi magamit sa pagsa­sanay sa battlefield situations. Ni hindi sanay ang mga sundalo sa uri ng giyera na ginagawa ng kalaban. Baka ni hindi buo ang suporta ng mga nasa likod para sa nasa frontline.

• Maling kagamitan. Napaulat na hindi magkausap sa radyo ang nasa chopper at nasa lupa. Dalawang taon nang isyu na ang interoperability ng isinasakay noon ng mga ground troops ang radio men sa helicopter para matiyak ang komu­nikasyon. Hindi raw pumutok ang bala ng mortars; aba’y kelan lang may anomalya sa pagbili sa bala ng 105mm Howitzer. Nagmama­kaawa ang battalion commanders para sa dagdag-tao at gamit. Kapos ang budget, sagot sa kanila ng GHQ, sabay buhos ng pera sa mga “special project”, tulad ng pagpipinta ng gusali, ng magreretirong heneral.