SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, August 28, 2007
MUNTIK nang matalo ang gobyerno — at pagbayarin ng $425 milyon — sa reklamo ng Fraport sa World Bank sa Washington. Ito’y dahil taliwas ang kilos ng Dept. of Justice kaysa interes ng bansa. Iginiit ng mga abogado ng gobyerno sa Washington na hindi dapat maghabol ang Fraport sa NAIA-3 dahil nilabag nito ang Anti-Dummy Law ng Pilipinas sa pagbili sa Piatco. Pero sa Maynila, dinismis ng DOJ ang lantarang pagkontrol ng Fraport sa 61.44% ng Piatco, gayong hanggang 40% lang puwede ang dayuhan sa public utilities. Tinanggap ng international arbitrators ang ebidensiya ng Pilipinas, pero ibinasura ito ng magaling na Sec. Raul Gonzalez.
Nanggulo si Gonzalez nung Disyembre 2006. Nu’n din inutos ng korte sa gobyerno na mag-down payment sa Piatco-Fraport ng P3 bilyon habang kinukuwenta pa kung magkano ang kabuoang ibabayad dahil sa expropriation ng NAIA-3. Hindi naman dapat in-expropriate ang NAIA-3 dahil voided ng Korte Suprema ang NAIA-3 contract; dapat kinumpiska dahil walang kotrata mula’t-sapol. Kaya hayun, pinagbayad tuloy nang P3 bilyon antisipo ang gobyerno. Pero, ayon sa mga may kinalaman sa kaso, kalahati lang ng P3 bilyon ang napunta sa Piatco-Fraport. Ibinulsa ang balanse ng isang taong mahilig kumikbak sa malalaking deal.
Tatlong administrasyon na ang nangurakot sa NAIA-3. Termino ni Ramos nang paspasang in-award ang kontrata sa Piatco. Panahon ni Erap nang ilegal na binago ang kontrata, at nagpartner ang Piatco-Fraport nang labag sa Anti-Dummy Law. At panahon ni Arroyo nang baguhin pa muli ang kontrata para lalong pumabor sa Piatco-Fraport. Itinalaga pa nga ng Piatco-Fraport ang bagman na Alfonso Liongson nu’ng Abril 2001 para taga-abot nang milyon-miltong dolyares na suhol sa kung sino-sinong Arroyo officials.