Friday, May 30, 2008

P1 bilyon: 8 oras lang gastahin ng gobyerno

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, May 30, 2008

KUNG hindi nabisto ang walang-silbi pero waldas na DOTC-ZTE deal, P17 bilyon sana ang pagbabayaran ng taumbayan. At P10 bilyon nu’n ay ibubulsa sana na kickback ng mga may-pakana.

Pero may mga nakalusot na katiwalian. Sa fertilizer scam, halos P1 bilyon ang halaga ng kunwari’y ipina­mahaging pataba sa mga kongresista at gobernador na maka-admin nu’ng mag-eeleksiyon ng 2004. At P1 bilyon din ang overprice sa isang delivery pa lang ng uling sa Napocor nu’ng Abril 2007.

Ang hirap para sa ordinaryong tao na imagine-in kung ano ang isang bilyon. Pero ang husay ng pag­kakapaliwanag nito kamakailan ng isang US ad agency. Wika nito:

“Nu’ng lumipas na 1 bilyong segundo ay 1959. Nu’ng lumipas na 1 bilyong minuto ay buhay si Hesukristo. Nu’ng lumipas na 1 bilyong oras ay nakatira sa kuweba at naka­bahag ang mga ninuno natin. Nu’ng lumipas na 1 bilyong araw, walang lumalakad sa mundo nang dalawang paa.”

At dagdag ko diyan:

Ang lumipas na 1 bilyong piso ay walong oras at 10 minuto lang — sa bilis ng paggastos ng gobyerno ng P1.12 trilyong budget para sa 2008, na galing sa ating ibinabayad na buwis.

Ang P1 bilyon ay halagang kikitain ng empleyadong sumusuweldo nang P10,000 kada buwan sa loob ng 100,000 buwan — o 8,333 taon.

Ang P1 bilyon ay sapat para ipang-patayo ng 2,250 silid-paaralan, 375 rural health clinics, o 7,500 balon sa barangay.

Ang P1 bilyon ay makakabili ng 500,000 sako ng bigas — sapat para pakainin ang isang probinsiya nang isang buwan.

Kung magnakaw ka ng P1 bilyon, at lalo na kung P10 bilyon tulad ng tinangka sa NBN-ZTE deal, hindi mo ‘yon mauubos sa buong buhay mo. Pero maluluklok ka sa puwesto sa apoy ng Impiyerno habambuhay.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com