SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, August 5, 2008
HABANG sinusulat ito, patuloy ang paglusob ng armadong Moro Islamic Liberation Front sa mga sibilyang baryo sa
Habang sinusulat din ito, lumabas ang kautusan ng Korte Suprema sa Malacañang na ibunyag sa mga maaapektuhang mamamayan ang nilalaman ng pipirmahan nitong kasunduan sa MILF ngayong araw.
Palihim pero apurahan sanang pipirmahan ngayon ang umano’y “peace pact.” Wawakasan daw ng kasunduan ang karahasan ng mga armado sa mga sibilyan. Pero hindi maarok ng mga taga-North Cotabato kung paano ito mangyayari, gayong nilulusob sila ng mga MILF pero hindi maipagtanggol ng PNP o AFP.
Kung tutuusin maaring kumalat pa nga ang karahasan. Nakakuha ako ng kopya ng kasunduang pipirmahan ngayon, Agosto 5, at nililista rito ang mga pook na isusuko ng Malacañang sa MILF. Tiyak na hindi papayag ang mga halal na civilian officials sa mga lugar na ito, Kristiyano man o Muslim, na mapailalim lang basta sa lokal ng MILF commander. At tiyak sa igigiit naman ng huli ang kasulatan upang manakop. Kaya gulo ang kauuwian.
Saad sa peace pact na magpe-plebisito sa mga “Bangsamoro ancestral territory” kung nais nilang masakop ng Autonomous Region for Muslim Mindanao. Kabilang dito ang malalaking bahagi ng: Zamboanga City, Iligan City, Lanao del Norte, North Cotabato, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, at Palawan.
Saad din na pact ang “Bangsamoro territory” — lahat ng lupa, ilog, dagat at himpapawid sa Mindanao-Sulu-Palawan na tinuturing batay sa kasaysayan na homeland o ancestral domain. Miski tituladong lupa, ayon sa paliwanag, ay maaring mapasailalim ng Bangsamoro Juridical Entity.
* * *