Monday, December 10, 2007

184 nag-junket, P28-M ginastos

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, December 10, 2007

HINDI lang 34 kongresista at tatlong senador ang sumama kay President Gloria Arroyo sa Spain, France at Britain nitong nakaraang linggo. Kasama rin ang kanilang mga asawa, anak at querida. Lahat-lahat, 184 ang bilang ng delegasyon sa Europe. Hulaan mo kung sino ang nagba­yad ng kanilang pama­ sahe, hotel accommodations at shopping.

Dahil sa dami ng mga saling-pusa mula sa Kamara, napahiya si Speaker Joe de Venecia. Nilabas niya agad ang listahan ng mga bumiyahe, at pinagdiinan na hindi niya inaprubahan ang larga kaya walang pondong nilabas ang Kongreso. Napahiya rin si Senate President Manny Villar dahil nawala ang mga kasamahan habang dine-deliberate ang national budget — ang pinaka-mahalagang bill sa Kongreso. Umiwas-pusoy naman si Kampi chairman (at DILG Sec.) Ronaldo Puno nang mapabalitang puro-kapartido ang naglamiyerda. Hindi raw niya alam ‘yon, nagpalusot siya, na animo’y makakalimutan ng madla ang karangyaan nila kung sabihin niya ‘yon.

Nang mabalitaan ng mga biyahero na binabatikos sila sa Pilipinas, anim sa kanila ay nag-press statement na kesyo sa sariling pondo nagmula ang panggastos. Ibig sabihin lang nu’n, sa official fund ng mga opisina nila galing — kaya pera pa rin ng publiko. ‘Yung mga hindi nagpaliwa­nag ay malamang na sa MalacaƱang kumuha ng pambi­yahe — at pera pa rin ng publiko. Kabilang sila sa 190 kongresista na tumanggap ng tig-P500,000 sa Palasyo nu’ng Oktubre 11, bagay na kinasuk­ laman ng madla.

Magkano bumiyahe sa tatlong bansa? Di bababa sa P200,000 kada Asia-Eruope round-trip at inter-city, business class. Magkano mag-hotel nang sampung araw sa Europe? Ilagay mo sa P300,000 kada tao, kasama pagkain at inumin. At magkano mag-shopping? Inamin ng ilang Cabinet members na tig-$3,000 o P135,000 ang kabuoang per diem nila.

Samakatuwid, P635,000 ang tinustos ng taumbayan sa bawat junketeer, o kabuuang P116,840,000 para sa 184 katao.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com