Friday, December 14, 2007

Kagubatan ng Samar uubusin na naman

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, December 14, 2007

LUMIHAM sa akin ang kaibigan kong SamareƱo, Charo Cabardo. Nilista niya ang ilang sakuna ng dalawang dekada: Baha sa Ormoc nu’ng 1991 na lumunod sa ma­higit 3,000 tao; pagguho ng Cherry Hills Subd. sa Antipolo nu’ng 1999 na ikinamatay ng 58; landslide sa Camiguin nu’ng 2001 na bumaon sa 350; baha sa Valenzuela nu’ng 2001 na nagpahirap sa 4,392 pamilya; baha sa Bulacan, Tarlac, Pampanga at Pangasinan nu’ng 2001 na gumulo sa milyon-milyong katao; mudslide sa Aurora, Nueva Ecija at Quezon nu’ng 2004 na pumatay sa mahigit 2,000; pagtabon sa 2,000 katao sa Ginsaugon, Leyte, nu’ng 2006; landslides muli sa Albay, Sorsogon, Camarines Sur at Camarines Norte na nagbuwal ng bahay ng libu-libong pamilya nitong 2006; at nito lang na pag-evacuate sa 25,000 pamilya sa Iloilo mula sa baha.

Sa Samar mismo, ginunita ni Charo, binaha nang isang linggo nu’ng 1989 ang 36 na bayan ng Northern at Eastern provinces, na pumatay sa 79, 56 na hindi na natagpuan, daan-daang sugatan, at 60,739 bahay nasira. Wasak din ang mga pananim at alagaing-hayop.

Bakit pinaaalala ni Charo lahat ito? Para idiin sa isipan na ang sanhi ng baha at landslides ay ang pagkalbo ng kagubatan sa bundok at patag. At bakit kailangan ito idiin? Kasi pinahintulutan ng Department of Environment and Natural Resources ang muling pag-operate ng isa sa pitong pinaka-malaking logging firms sa Samar.

Labing-walong taon na sana walang logging sa Samar. Pinatupad ng gobyerno nu’ng 1989 ang total log ban para maibalik ang kagubatan. Pero ngayon in-extend ng DENR ang timber license agreement ng Basey Wood Co. nang anim na taon. Ito’y para maputol ng Baswood ang dami ng puno na hindi nagawa dahil sa ban.

Nahihibang ang DENR. Tumutubo pa lang muli ang mga puno sa Samar, pero ipakakalbo na muli sa Baswood. Pangalawa itong pinayagang nagwasak ng gubat. Nu’ng 2005 umarya rin ang San Jose Timber ni Juan Ponce Enrile. Nagprotesta lang ang taumbayan kaya naudlot ang salot.