Friday, December 28, 2007

Inosenteng pananaw

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, December 28, 2007

ISANG araw isinama ng ama ng isang mayamang angkan ang anak na lalaki sa biyaheng probinsiya. Matatag ang plano ng ama na ituro sa anak kung paano mabuhay ang mahihirap. Dalawang araw at gabi silang tumigil sa sakahan ng isa sa pinaka-hikahos na pamilya sa baryo. Sa pag-uwi nila mula sa biyahe, tinanong ng ama kung naibigan ng bata ang “munting bakasyon”

“Ang galing, Papa.”

“At nabatid mo ba kung paano mamuhay ang maralita?” usisa ng ama.

“Ay, opo, talaga po,” masugid na tugon ng anak.

“O, sabihin mo sa akin kung anu-ano ang natutunan mo sa biyahe,” pagsubok ng ama.

Sagot ng bata: “Nakita ko na meron tayong isang aso, pero sila ay may apat.

“Meron tayong swimming pool na hanggang gitna ng ating bakuran, pero sila ay may batis na walang hanggan.

“Meron tayong imported na mga parol sa hardin, pero sila daan-daan ang mga bituin sa gabi.

“Ang patio natin ay hanggang sa front lawn, pero ‘yung sa kanila hanggang abot-tanaw.

“Meron tayong kapirasong lote para tirahan, pero sila sunod-sunod ang pitak ng palayan hanggang sa kabun­dukan.

“Binibili natin ang pagkain natin, pero sila tinatanim at pinatutubo.

“Meron tayong bakod sa paligid ng lote para protek­siyon, pero sila ay protektado ng mga kaibigan.

Walang masabi ang ama. Tapos, nagpahabol pa ang bata: “Salamat, Papa, at itinuro mo sa akin kung gaano tayo kahirap.”

Hindi ba’t nakagugulat kung minsan ang inosenteng pananaw ng bata? Walang malay, walang malisya, puro masaya. ‘Yan ang hinihingi ni Hesukristo sa atin: Ang pananampalataya ng isang bata. Kaso naaalangan tayo. Para sa atin, kahibangan ang mag-asal bata sa Diyos. Sinisikil natin ang konsensiya. Para tayong si Herodes na kumitil sa NiƱos Inocentes.