Tuesday, December 25, 2007

Kuwentong pampasko

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, December 25, 2007

DALAWANG lalaki, parehong malala ang sakit, ang pinag­kasya sa isang kuwarto sa ospital. ‘Yung una, pinauupo isang oras tuwing hapon habang inaalis ang fluids sa baga; tabing-bintana ang katre niya. ‘Yung isa, buong araw hindi makabangon. Walang patid ang kuwentuhan nila: tungkol sa asawa, kaanak, trabaho, parehong pamantasan, at mga pinasyalan abroad.

Sa hapon kapag iniuupo na ‘yung una, ginugugol niya ang oras sa detalyadong pagtukoy sa isa pa ang mga tanawin sa bintana. Sabik ‘yung kasama sa isang oras na pagtutukoy na ‘yon, kung kelan pinalalawak at binubuhay ang kanyang daigdig ng mga nagaganap at kulay ng tanawin.

Tanaw mula sa bintana ang malaking halamanan na may marikit na lawa. Naglalaro ang mga itik sa tubig habang inuusad ng mga bata ang laruang bangka. May mga magkasintahang magkakapit-kamay sa gitna ng mga bulaklak na pula at ube. At sa malayo ay mga nagta­taasang gusali.

Habang iniisa-isa lahat ito nu’ng lalaki sa may bintana, pumipikit naman ‘yung isa at inilalarawan lahat sa isip. Minsang maginhawang hapon idinetalye pa nu’ng una sa kasama ang dumadaang parada. Miski hindi naririnig nu’ng isa pa ang banda, nakikita niya ito — kung paano ito tinutukoy sa kanya para panoorin sa isip.

Lumipas ang mga linggo. Isang umaga nang dinala ng nars ang almusal, napansing hindi humihinga ang lalaki sa tabing-bintana. Tahimik pala itong pumanaw sa tulog nung gabi. Malungkot na inalis ang bangkay.

Nang hindi na abala ang lahat, nakiusap ‘yung isa pang lalaki kung maaring ilipat sa may bintana. Magiliw siyang pinagbigyan ng nars; nang masiguradong komportable ay iniwan na siyang magpahinga. Dahan-dahan, tinitiis ang sakit, itinukod ng lalaki ang isang siko para sumilip sa totoong mundo sa labas. Hirap na hirap siyang bumangon nang konti para tumanaw sa bintana sa tabi ng katre. Pader lang ang nasa labas.

Inusisa ng lalaki ang nars kung bakit ang gaganda ng mga tanawin sa bintana na itinukoy sa kanya ng kasamang kapapanaw lang. Tugon ng nars, bulag ang dalawang mata ng unang lalaki, at imposibleng nakita niya ang pader: “Tiyak, pinatatag lang niya ang kalooban mo.”

Maligaya ang tao na nagpapaligaya sa iba. Maligayang Pasko.