Monday, December 17, 2007

Jatropha tutubo sa ulan at abandonadong lupain

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, December 17, 2007

NAG-AALALA ang United Nations sa biglang pagsikat ng biofuels mula sa oilseeds. Kasi mas malinis nga ang diesel o gasolinang halaw sa mais, palm, coconut, soya o sunflower — pero nababawasan ang ani na para sa pagkain, dahil ginagamit sa kotse at pabrika. Halos 75% na ang itinaas ng presyong pagkain sa buong mundo mula 2005. At para tumiba sa biofuels, kinakalbo ng mga timawa at malalaking pabrika (tulad sa Malaysia) ang mga gubat para taniman ng oilseeds.

Mabuti na lang naiwasan ng PNOC-Alternative Fuels Corp. ang isyu ng food versus fuel. Mula nang itatag ang state firm nu’ng Hunyo 2006, pinagtuonan na ni chairman Rene Velasco ang jatropha nut bilang sanhi ng alternative diesel. Siksik ito sa langis, pero hindi nakakain. Bukod dito, hindi kailangan itanim sa mga lupaing pam­ pagkain at may patubig, kundi sa mga abandonadong lote at mga kinalbong bundok. Halos anim na milyon ektarya ang bakante sa Pilipinas, at 15 milyon ektarya ng gubat ang kalbo na, ani AFC president Peter Anthony Abaya. Mag­tanim du’n ng jatropha trees, payo niya, at mabubuhay na ito sa seasonal rains. Walong buwan pa lang, may bunga na, pero magiging hitik nang limang dekada mula ikatlo o ikaapat na taon.

Tiyak ang merkado ng jatropha. Kasi ipinasa na nu’ng Abril ang Biofuels Act. Tinakda ng batas na haluan ng 1% biodiesel sa gasolinahan. Mula 2009 magiging 2% ito, at maari pang itaas pagkatapos. Sa ngayon ang sanhi pa lang ng panghalong biodiesel ay coconut methyl ester. Pero nagmamahal ito ngayon dahil mas pabor sa mag­niniyog ang i-export na lang ito bilang kopra nang $1,000 per metric ton. Maari rin ang ibang vegetable oils — palm oil, rapeseed, linseed o mani — pero mas mahal pa kaysa coconut. Jatropha na lang ang pamalit. Maari din bumili ng jatropha biodiesel ang mga ibang bansa dahil sa paghihigpit nila sa vehicle fumes. Sumubok na nga ang biodiesel maker Chemrez ng jatropha oil sa kotse.

Para sa karagdagang kaalaman, tingnan ang www. pnoc-afc. com.ph. Magkakaroon na rin ng Internet central library sa darating na taon.