SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, December 21, 2007
TALAGANG ang isda ay nahuhuli sa bunganga. At big fish, ika nga, ang nabisto kamakailan sa magkabilang panig ng pulitika — sina Presidential Legal Counsel Sergio Apostol at opposition Sen. Antonio Trillanes IV.
Nahuli ang pagkatao nila dahil sa daldal ni Apostol. Ibinunyag niya na kaya pala nag-alburuto si Trillanes sa Peninsula Hotel nu’ng Nobyembere 29 ay dahil ni-reject ng Department of Budget ang pork barrel request ng senador na P100 milyon sa ilalim ng priority development assistance fund (PDAF). May bukod na liham daw si Trillanes sa DPWH nu’ng Nobyembere 15 para sa P50 milyon mula sa congressional insertions; tinanggihan din.
Wala palang isang salita si Trillanes. Nu’ng Mayo nang kapapanalo pa lang niya sa eleksiyon, sabi niya hindi siya kukubra ng pork barrel — tulad nina Ping Lacson at Joker Arroyo — dahil sanhi ito ng katiwalian. Pero hayan, nilamon na siya agad ng sistema.
Ang babaw pa ng paliwanag ng chief of staff ni Trilla-nes, si Reynaldo Robles. Kesyo raw malisyoso si Apos-tol sa pagdidikit ng pork barrel request at ng nabigong kudeta sa Makati. At kesyo raw pinayuhan kasi sila na kung hindi kukubrahin ni Trillanes ang pork barrel ay may ibang kukubra nu’n para sa kanila. Pinalalabas niya na kung sila ang gagamit ay malinis, pero kung iba ay marumi. Palalo!
Pero dagdag pa ni Apostol, kung ni-release daw ng DBM at DPWH ang pinagsamang P150 milyon, tiyak na gagamitin ‘yon ni Trillanes para sa pagpapabagsak ng gobyerno. Ipagpalagay nang walang iniisip si Trillanes kundi ang pag banat sa administrasyon, lumilitaw ang mga tanong na dapat sagutin ni Apostol, na matagal naging kongresista kaya kabisado ang pork barrel: Bakit niya sinasabing gagamitin ni Trillanes ang P150 milyon para sa kudeta, dahil ba cash na pala ngayon ang PDAF at congressional insertions? Hindi ba’t palaging sinasabi ng MalacaƱang, DBM at Kongreso na hindi naman hinahawakan ng mga senador o kongresista ang pondo, kundi tinutukoy lang ang mga proyekto? Kung gan’un, bakit pinapahiwatig ngayon na cash pala ang kinukubra?