Inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Tuesday, March 25, 2008
NOON pang mga unang hearing ng Senado sa NBN deal nu’ng Okt. 2007, hiniling na ni Sen. Loren Legarda na ipasuri ito sa independent experts. Sa ganitong paraan aniya mababatid kung may overpricing talaga sa contract, at kung mapapakinabangan talaga ito ng gobyerno.
Merong Philippine Electronics and Telecommunications Federation, binubuo ng mga indibidwal, kompanya at samahan sa industriya. Kasama ru’n ang mga espesyalista sa iba’t ibang larangan ng telecoms, computers, at engineering. Maaring sa PETEF humingi ang Senado ng mga ekspertong susuyod sa 52-pahinang kontrata at 11 annexes nito upang malinang kung saan ang dayaan.
Tumestigo si Joey de Venecia na nu’ng pirmahan ang $330-milyong kontrata nu’ng Abril 2007, merong isiningit ang mga kakompetensiya na $200-milyong (P10-bilyong) kickback. Idinagdag ni Jun Lozada na nu’ng nagnenegosasyon pa lang sa paunang presyong $262 milyon, $130 milyon na umano ang pinapo-protektahang komisyon ni Comelec chief Benjamin Abalos. At sinumpa ni Dante Madriaga na, bilang ZTE consultant, alam niya na ang “tongpats” (patong o suhol) ay $230 milyon. May magsasabing biased ang mga paratang nina Joey, Jun at Dante — pero maaring gawing panimulang batayan ng independent experts ang mga papeles ng tatlo.
Meron pang ibang maaring gamitin ang independent experts. Hawak ko, halimbawa, ang kopya ng mga dokumentong isinumite ng Alvarion of Israel sa ZTE nu’ng Mayo 2006. Price quotations ito para sa WiMAX units, equipment na bibilhin ng ZTE sa Israel at saka ibebenta sa DOTC. Du’n pa lang, makikitang halos triniple ng ZTE ang presyong ibinigay sa kanila ng Alvarion subcontractor. Saan pa napunta ang overprice kundi sa kickback o “tongpats”.