SAPOL, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, March 18, 2008
UMAANGAL umano ang China sa territorial baselines bill sa House of Representatives. Senyales ito na mabuti ang panukala para sa interes ng Pilipinas at hindi ng China. Ibig sabihin, isabatas na agad ang territorial boundaries ng Pilipinas sa karagatan, upang mapatulong natin ang United Nations sa pagpapalayas ng mga nanghihimasok na dayuhan. Mas importante, mapapakinabangan na sa wakas ng Pilipinas ang minerals, oil at gas sa karagatang teritoryo nito, at ang pangisdaan sa dagdag pang 200-mile exclusive economic zone.
Kumokontra ang China sa pagtatakda ng baselines ng Pilipinas dahil legal nating maaangkin ang Spratlys sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea. Talo ang China du’n. Pinalalabas niyang kanya ang Spratlys dahil umano sa “historic claims”. Pero ayon sa UNCLOS, ang siyensiyang geology ang dapat na batayan ng teritoryo.
Nabanggit ko na kahapon ang geological history na batayan ng Pilipinas para angkinin ang Spratlys. Ayon sa masusing pag-aaral ng University of London, nu’ng sinaunang panahong wala pang tao sa mundo ay lumin-dol nang malakas sa mainland Asia kung saan ngayon ang China. Tumalsik ang pahabang piraso ng lupa sa Pacific Ocean, at ito ang naging Palawan. Dahil nagkaroon ng Palawan, umusbong ang Borneo sa timog. Dahil sa Palawan at Borneo, mula sa undersea volcanic eruptions ay umusbong naman ang mga pulo-pulo Luzon, Visayas, Mindanao, at Indonesia.
Samantala, sa kanluran ng Palawan, nagkaroon ng bagong dagat na ngayo’y tinatawag na South China Sea sa pagitan ng mainland Asia (Indochina) at Palawan. Ang continental shelf — lupang pinagpapatungan ng Palawan — ay sakop ang Spratlys, na nais angkinin ng China. Ang dulo ng shelf ay hanggang 50 milya kanluran ng Kalayaan Islands sa Spratlys.
Inaangalan ng
China ang baselines bill dahil patunay ito na atin ang
Spratly Islands na naglalaman ng maraming oil and gas deposits at pangisdaan. Dapat lang igiit ng gobyerno ang katotohanan ng ating claim.