Friday, March 14, 2008

Gas natin sa Palawan di mapapakinabangan

SAPOL, Pilipino Star Ngayon, Friday, March 14, 2008

UNA, nantraydor ang mga opisyales nu’ng 2005 sa pag­pirma sa China at Vietnam ng joint exploration sa Spratlys at continental shelf ng Palawan. Kwenta pina­hintulutan nila ang mga dayuhan na pumasok at mag-espiya sa teritoryo ng Pilipinas.

Tapos nangulimbat ang mga opisyales mula sa Chinese loans na bumuhos sa Pilipinas matapos paya­gan ang panghihimasok sa teritoryo. Nagbalato ng $2 bilyong pautang kada taon ang China — sa Northrail, Southrail, NBN-ZTE at tatlong dosena pang proyekto — kung saan di bababa sa 20% ($400 milyon) ang kickback, ayon kay Jun Lozada.

Heto naman ang pangatlong kakambal na salot na tumama sa bansa: Hindi mapakinabangan ng Pilipinas ang langis at natural gas sa karagatan ng Palawan dahil ayaw pumayag ang China. Ayon kasi sa 2005 joint exploration agreement, bawal sa tatlong bansa na i-assign kanino man ang mga yaman sa karagatan nang walang kasulatang pahintulot ng iba. Lugi ang Pilipinas sa ka­sunduang ito dahil bahagi ng Spratlys na okupado natin at continental shelf ng Palawan ang sakop na karagatan.

Nu’ng 2002 pa in-award ng gobyerno sa pribadong kompanya ang general survey and exploration contract 101 sa bahagi ng Reed Bank sa Palawan. Nais na ng kompanya na mag-drill ng gas. Pero hindi na maari ito dahil sa katrayduran at pangungulimbat na nagsimula nu’ng 2005.

Mas malaki pa sana kaysa Malampaya ang gas sa Reed Bank. Ayon sa tatlong seismic surveys, 3.7 trillion cubic feet ang reserve, at maaring umabot pa sa 20 TCF. Bilyun-bilyong piso ang halaga nito, at dapat may parteng 60% ang gobyerno sa pagbenta. Kaso, hindi mapakina­bangan ang gas. Kasi nga ihinihirit ng China ang joint exploration pact para pagkaitan ng drilling license ang kompanya.

Kailangang-kailangan ng gobyerno ng pera para sa edukasyon, pakain, patubig, pabahay at pangkalusugan ng mahihirap, at ng sundalo’t pulis. ‘Yung 60% parte sana ng gobyerno sa langis at gas resources ang puwedeng pagmulan ng pondo. Pero natraydor at nakulimbatan tayo.