Tuesday, March 11, 2008

Mangungulimbat (Karugtong ng lumabas kahapon)

SAPOL, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, March 11, 2008

NU’NG 2004 tinalikuran ng RP ang ASEAN. Gumawa si Gloria Arroyo ng sariling kasunduan sa China. Kesyo joint seismic studies daw ng Spratlys ng PNOC ng Pilipinas at CNOOC ng China. Nagpa-joint exploration din siya ng bahagi ng Spratlys na sakop ng Pilipinas, at pati ng continental shelf ng Palawan.

Ayon sa UN Law of the Sea, ang continental shelf ay bahagi ng teritoryo ng bansang-kapuluang tulad ng RP. Kaya kuwenta pinayagan ni GMA na manghimasok ang China sa okupadong isla at legal na teritoryo ng Pilipinas. Isa itong katraydoran!

Ilang taon ding itinago ng Pilipinas ang kontrata mula sa publiko. Nag-leak na lang ngayon ang detalyes sa mga nagsasaliksik. Ayon sa ulat ni Barry Wain sa Far Eastern Economic Review: “Ang tinutukoy na pook, ma­lawak na karagatan mula Palawan sa Katimugang Pili­pinas, ay sumasaklaw sa Spratlys at bumabagtas sa Ma­lampaya, isang produktibong gas field ng Pilipinas. Ika-anim ng kalawakan, pinakamalapit sa pampang ng Pili­pinas, ay ni hindi sakop sa inaangkin ng China.”

Kataka-taka ito. Ang joint exploration ay solusyon sana sa malimit na girian ng Pilipinas at China sa Spratlys. Kaya, bakit isinama rito ni GMA ang legal na teritoryo ng Pilipinas?

Ang sagot ay nasa sumunod na kilos ng China. Ilang linggo lang matapos ang pirmahan, inanunsiyo ng China na magpapautang ito ng $2 bilyon kada taon para sa mga proyektong imprastruktura at pangsakahan ng Pili­pinas. Hanggang 2010 daw, taon ng pagbaba sa puwesto ni GMA.

Kaya dumagsa ang Chinese loans magmula nu’ng 2005, kasama ang Northrail at Southrail. Nu’ng 2007 lang, mahigit 35 proyekto ang iniutang ng Pilipinas sa China, kabilang ang national broadband network ng ZTE.

Ibinunyag ni ZTE scam whistleblower Jun Lozada na mahina ang 20% kickback ng mga kawatang opisyales mula sa Chinese loans. Kung $2 bilyon kada taon ang pautang, e di $400 milyon ang kickback. Taumbayan ang magbabayad ng utang nang deka-dekada, pero yayaman agad ang mangungulimbat at traydor.