SAPOL, Inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Monday, March 24, 2008
KAKAIBANG klaseng sangay ng gobyerno ang Kongreso. Dito, ang mga kasapi ang nagtatakda kung magkano ang kikitain nila sa pamamagitan ng pork barrel, allowances, at budget ng committee chairmanship. Ang resulta: Nag-uuwi ang bawat senador o kongresista ng P5 milyon hanggang $8 milyon kada buwan — na pera ng taumbayan.
Ginagaya ng executive branch ang Kongreso. Sa government-owned and -controlled corporations, mga board directors, na pawang appointees ng MalacaƱang, ang nagtatakda ng sariling per diem, allowance at bonus.
At dahil nakahahawa ang kasakiman, gumaya na sa Kongreso at GOCCs ang isang line agency sa ehekutibo — ang Philippine Overseas Employment Administration.
Nahuli at kinastigo ng Commission on Audit ang POEA dahil sa ilegal na pagbayad ng P40 milyong incentives at allowances sa opisyales at empleyado nitong nakaraang tatlong taon. Pinuna rin ng COA sa pagbigay ng POEA sa executives at rank-and-file ng cellphones. Inabuso pa nga ito ng POEA officers and men, anang COA, dahil siningil nila sa ahensiya ang pag-download nila ng P796,000-halaga ng ring tones, games, picture messages at iba pang unauthorized dahil personal na items.
Ang masaklap dito, ang perang kinupit umano ng POEA ay galing sa Overseas Workers Welfare Fund. Pera ito na sapilitang hinuhulog ng overseas workers para repatriation, hospitalization at iba pang emergency habang nasa-abroad.
Dapat suyurin rin ng COA ang iba pang ahensiya ng gobyerno, pati ang mga munisipyo, city hall at kapitolyo upang ilantad ang pag-uumento sa sarili. Nauusong pa-raan ito ng katiwalian. Sa isang government bank nga, binayaran ng board directors ang sarili nila ng tig-P7-milyong bonus nu’ng Enero. At para hindi umangal ang officers, binalatuan din sila ng tig-P3 milyon hanggang -P5 milyon.