SAPOL, Pilipino Star Ngayon, Monday, March 3, 2008
TOTOO ang sinabi ni Dante Madriaga sa hearing ng Senado nu’ng Martes. Nagkakilala kami nu’ng Okt. 2007 nang, sa e-mail niya noon, nagbigay siya sa akin ng karagda-gang info sa umuusok kong exposé sa ZTE scam. Pinabulaanan niya ang kumakalat noong balita na inilalako niya ang posibleng pagtestigo niya nang milyun-milyong piso. Nais daw niyang lumantad pagdating ng tamang panahon, pero kailangang maikubli muna niya ang asawa’t pitong anak sa panganib. Malalaking tao kasi ang isasang-kot niya sa $330-milyong kontrata na may $200-milyong kickback. Nagkasundo kaming mag-usap nang harapan.
At hayun, tulad ng sinabi ni Madriaga sa Senado, nagkuwento siya. Siya umano ang technical man sa grupo ni Comelec chairman Ben Abalos na nagtutulak sa ZTE Corp. of China para maging supplier ng national broadband network. Siya rin ang liaison ng grupo sa pakikipag-usap sa NEDA sa ilalim ni Romy Neri. Kaibigan niyang telecoms man na si Leo San Miguel ang kumuha sa kanya, at ipinakilala kina Ruben Reyes, (retired) Gen. Quirino dela Torre, at Jimmy Paz (chief of staff ni Abalos).
Nabanggit ni Madriaga ang pagsingil ng grupo niya ng $41 milyong “advances” mula sa ZTE. Una raw ay $1 milyon nu’ng mga Agosto 2006, pang-representation ng grupo; kalahati raw ay napunta sa mag-asawang Mike at Gloria Arroyo. Ikalawa ay $10 milyon, Marso 2007, nang makuha nila ang mahahalagang approvals mula sa NEDA. At pangatlo ay $30 milyon nu’ng Abril 2007, para sa kampanya ng partido ng admin, nang mag-witness si Arroyo sa pirmahan ng DOTC at ZTE sa Hainan, China.
Nu’ng magkakilala kami ni Madriaga, kaaanunsiyo pa lang ni Gng. Arroyo na kinansela na niya ang kontrata at inimpormahan ang
China. Mabilis sinundan ‘yon ng chorus ng Malacañang spokesmen na itigil na dapat ang Senate inquiry dahil wala nang kontratang uuriratin. Ngayong sinasabi ni Madriaga na tumanggap na pala ng pera mula sa ZTE ang “grupo ng Pilipino,” lalo dapat uriratin ang isyu. Lalo na’t ayon sa kontrata ay dapat magbayad agad ang Pilipinas nang $49 milyong down payment (15%) pagkapirma nu’ng Abril 2007. Masyadong malapit ang $41 milyong advance sa $49-milyong down payment. Baka tinakpan ang pauna ng ZTE.