Inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Friday, March 28, 2008
TRAYDOR ang Malacañang. Nu’ng Sept. 2004 pumirma ng joint marine seismic understanding kung saan ipinapa-explore sa China — miski labag sa Konstitusyon — ang 142,866 sq km na karagatan sa Palawan at Kalayaan Islands sa gilid ng Spratlys. Nang umangal ang Vietnam, na umaangkin din sa bahagi ng Spratlys, isinali ito sa joint seismic study nu’ng March 2005. Habang nagsasagawa ng joint study, bawal magmina ang Pilipinas ng oil o gas sa naturang pook — na pag-aari naman ng Pilipinas. Saad sa kasunduan na dapat ito ilihim miski limang taon nang mapaso. Parang ibinenta ang Pilipinas: Kapalit ng understanding ay $2 bilyong utang kada taon na pinagkukumisyunan. Kabilang na ang $330-milyong NBN-ZTE deal kung saan sangkot sina Gloria at Mike Arroyo sa $200-milyong kickback.
Nang mabisto at batikusin kamakailan ang kasunduan, nagmalinis ang Malacañang. Kesyo raw si noo’y Speaker Joe de Venecia ang naggiit ng joint seismic study; pero tauhan naman ng Malacañang ang pumirma. Kesyo ipagtatanggol daw ng Malacañang ang teritoryo ng bansa; pero sa salita lang ‘yon, dahil sa gawa ay inilihim pa ang pagbenta ng sobereniya.
Magsisimula pa lang ang imbestigasyon ng Senado at Kamara sa pagtataksil. Samantala, ipinasa nu’ng Disyembre 2007 sa Kamara ang panukalang baselines ng teritoryo ng Pilipinas. Sakop sa baselines ang Kalayaan at Scarborough Shoal, isla sa gilid ng Zambales na inaangkin ng China. Imbis na i-third and final reading na ito ng Kamara, biglang bumaliktad ang committee on foreign affairs, na hawak ng mga galamay ni Arroyo, at ipinabalik ito sa komite. Umaangal daw kasi ang China.
Lumitaw nu’ng Holy Week kung bakit ibinalik sa komite ang panukala. Aalisin pala ng Malacañang ang Kalayaan at Scarborough mula sa sakop na teritoryo ng bansa. Ituturing na lang itong “regime of islands.”
Nagsinungaling pa ang Malacañang. Kesyo hindi raw umaatras ang Pilipinas sa paggigiit ng sobereniya. Pero sa totoo lang, kapag tinawag na “regime of islands” ay inaako ng bansa na maaaring mapasa-kamay ng
China ang teritoryo. Talagang taksil na mangungulimbat ang pamunuan.