SAPOL Ni Jarius Bondoc, inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Monday, April 14, 2008
SANA nanaig ang sentido-komon. Sa simula pa lang ay ibinasura na dapat ng opisyales sa Subic Freeport ang balak ng Koreanong Hanjin Corp. na magtayo ng dalawang high-rise condos sa loob ng watershed sa bundok. Balewala ang $1.2 bilyong ipapasok ng Hanjin sa shipyard. Sa mga bukal-gubat nanggagaling ang tubig-inumin ng mga karatig ng probinsiya ng Zambales at Bataan. Ilang natatanging empleyado lang ang makikinabang sa 20 at 10-storey buildings. Daan-libong taga-ibaba ang mauuhaw.
Kasing baliw ng environment permit sa condos ang ibinigay sa isa pang Koreano para magtayo ng kongkreto’t bakal na spa sa bunganga ng Taal Volcano. Ilang mayayamang Koreanong nagpapagamot lang sana ang makikinabang, habang masisira ang tanawin mula sa Tagaytay ridge.
Naaalala niyo ‘yung opisyal nu’ng dekada-’80 na, mula sa konti na ngang pondo ng agensiya, ay bumili ng mamahaling vibra-massage chair? Giit pa niya, “tayo’y mayamang bansang nagpapanggap na mahirap.” Mas maraming hangal sa Arroyo admin. Tulad nu’ng pag-aapurang buksan ang bago pero sirang Manila airport terminal, kaya gumuho ang kisame nu’ng naunang gabi. O ang pagtayo ng flyover na binabaha sa pinakamataas na bahagi. Nariyan ang pagpapabahay sa waterworks staff sa 58 ektarya ng La Mesa Dam watershed. At ang joint exploration sa China ng offshore oil at gas deposits ng Pilipinas, kaya hindi natin mahigop ang sariling langis habang umiiral ang kasunduan. At nito lang ay sinayang ang tatlong lanes sa magkabila ng Commonwealth Avenue sa Quezon City para sa U-turn slots na halos wala namang gumagamit. Kundi nagnanakaw ang admin (tulad ng $330-milyon NBN-ZTE scam), pinapalpak nito ang trabaho.