SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, April 8, 2008
NAGMAMALASAKIT si Jessie Torres bilang best friend. Nakakulong kasi si Mark J. Laguerta sa Singapore sa salang pagpatay sa kapwa overseas Filipino worker nu’ng Feb. Ginagabayan ni Torres ang mga magulang ni Mark sa paghingi ng tulong upang masiguro ang mabuting kalagayan sa piitan. Pinuntahan na nila ang Department of Foreign Affairs at si Vice President Noli de Castro.
Hindi pa rin humihinto si Jessie. Ipinasabi kasi ni Mark sa misis niya, na nagtatrabaho rin sa Singapore, kung puwedeng ipaalam sa iba pang tao ang kanyang sitwasyon. Nais lang ni Mark ng patas na paglilitis. Kabado siyang mapagkaitan ng hustisya dahil nasa dayuhang bansa.
Heto ang panawagan ni Jessie: “Nagmamakaawa po ako sa inyo na matulungan ang kaibigan ko. Limang buwang buntis ang asawa sa unang anak nila. Bukod sa walang kasama ang mga magulang, karaniwang tao lang sila — na ngayo’y may ganito kabigat na problema sa anak. Hindi ko na igigiit na walang kasalanan si Mark. Sumusuporta lang po ako sa mithi niyang fair trial. — Jesus Torres, Natural Soap Chandler, 8006 Honrades St., Makati, 8991204 o 0918-5291741, thelittlebluepoet@yahoo.com.”
Hindi binanggit ni Jessie, pero malamang ay nasaisip nila ni Mark ang sinapit ni Flor Contemplacion. Isa ring OFW sa Singapore si Flor na kinasuhan sa pagpatay sa kapwa OFW na si Delia Maga at alaga nitong batang si Nicholas Huang nu’ng 1991. Walang suspect ang tatay ni Nicholas, pero napag-alaman ng pulis na si Flor sa pamamagitan ng diary ni Delia. Sa interrogation, inamin umano ni Flor ang pagsakal sa dalawa. Hanggang sa huli, hindi itinatwa ni Flor ang ikinumpisal. Pati mga taga-RP embassy ay naniwala sa pag-amin niya. At sinentensiyahan siya na ibitay nu’ng 1995.
Bago ang pagbitay, lumitaw ang dalawang kapwa yaya nina Flor at Delia. Tumestigo sila na ang tunay na pumatay kay Delia ay ang tatay ni Nicholas, sa galit sa pagpabaya nitong malunod sa bathtub ang epileptic na alaga. Isinangkot lang anila ang inosenteng si Flor. Hindi pinaniwalaan ng korte ang dalawang Filipina. Ibinitay pa rin si Flor.