SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, April 7, 2008
PILIT pinabubulaanan ng mga manunuya ng admin ang ulat na kickbacks sa pag-angkat ng bigas. Pero records na mismo ang nagsasalita.
Umamin mismo ang admin na gumasta ng $707 per metric ton ng bigas-Vietnam nu’ng Marso. Di raw halos nagbabago ang presyo nitong mga nakaraang taon. Batay sa $707 pmt, bibili pa raw ang admin mula sa Vietnam ng 2 milyong tonelada, sa kabuuang $1.414 bilyon o P58.7 bilyon.
Madaling i-check ang totoong presyo sa Vietnam. I-Google-search lang ang “Vietnam rice export price.” Isa sa mga unang artikulong lilitaw sa screen ay mula sa pahayagang online VietNamNet, petsa Mar. 6, 2008. Ang huling presyo raw ay $430-$460 pmt, at tumaas na raw ito nang $50-$70 mula Feb. at 53% mula parehong petsa nu’ng nakaraang taon.
Isa pang artikulo sa VietNamNet, petsa Aug. 10, 2007, ay nag-ulat noon na tumaas na ang presyong export sa $305-$307 pmt ng 5% broken rice, at $209 pmt ng 25% broken. “FOB HCM” lahat ito, ibig sabihin freight on board o presyong kargado na sa barko sa Ho Chi Minh City. Iba pang artikulo, parehong mabababang presyo.
I-Google-search din ang “Thailand rice export price,” at di naglalayo ang presyo sa pinaka-malaking exporter ng bigas. Anang ulat ng Oryza nu’ng Apr. 3, 2008, nagsimula ang linggo sa presyong $620-$625 pmt ng Thai Grade B, $610-$615 ng 5% broken, at $660-$670 ng medyo luto. FOB rin ito, at umano’y mas mataas na nang $40-$50 kaysa naunang linggo.
Kaya, bakit gumasta ang admin ng $707 pmt ng bigas-Vietnam na mas mura nitong mga nakaraang linggo? Tiyak may kumita, at kikita pa muli — ng $600 milyong kickback mula $300 pmt sa 2 milyong tonelada.
Bakit nakaka-export ng bigas ang Thailand, Vietnam at Indonesia, samantalang kapos ang RP ng 2 milyong tonelada kada taon mula pa nu’ng dekada-’90? Klaro na ang rason ay kickback. Sa ilalim ng Agriculture and Fisheries Modernization Act, naglaan ang Kongreso ng $145 bilyon para sa pananim. Wala ring paglago sa rice productivity. Kasi sinayang lang ang pondo sa kalokohan, para patuloy ang rice imports at kickbacks.