Tuesday, May 20, 2008

Admin itinatago pa rin ang katotohanan sa NBN

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon,Tuesday, May 20, 2008

PARANG binubunot na ngipin ang pagpiga ng katotoha-nan mula sa admin tungkol sa ZTE deal. Pilit tinatakpan nina Gloria at Mike Arroyo, Romy Neri, Gabinete, kaal­yadong mambabatas, at mga alipores ang mga kaga­napan. Halata tuloy na may itinatagong anomalya.

Pagbubulaan ang otomatikong tugon nila sa balitang may bagong witness sa ZTE scam. Kesyo hindi raw nakipag-golf sina Arroyo sa ZTE execs sa Shenzhen nu’ng Nob. 2, 2006. Pero nang lumabas ang retrato ng First Couple sa Shenzhen golf club, bigla nila naalala na nand’un nga sila, at pumasyal pa sa karatig na ZTE headquarters.

Bago ‘yan, sinuhulan nila si Jun Lozada para umalis nang Pilipinas at iwasang tumestigo sa Senado. Nang hindi na matiis ng “probinsiyanong Intsik” ang lamig sa Hong Kong at umuwi sa Maynila, ipinakidnap siya sa airport officials at pulis, at pinapirma ng kung anu-anong panlilinlang tungkol sa “bukol” na $130 milyon. At nang tumestigo na nga, siniraan nila nang husto si Lozada.

Matinding paninira rin ang ginawa kina Joey de Venecia at Dante Madriaga. Pinagtangkaan pang patayin si Joey at ama na dating Speaker. Puros daldal lang sa media ang spokesman ni Mike Arroyo, pero hindi sumumpa sa Sena­do ang First Gentleman tungkol sa bersiyon sa “back off”.

Inisnab nu’ng una ng mga taga-Gabinete ang hearings. Tapos full-force na dumating sa isang hearing. Tapos, inisnab muli ang Senado.

Si Neri idiniin lang si noo’y Comelec chief Ben Abalos sa tangkang panunuhol ng P200 milyon. Pero nang usisain kung inutusan pa rin siya ng Presidente na aprubahan ang ZTE deal miski iniulat niya ang suhol, ayaw nang sumagot. Pati Korte Suprema ginawa pangkubli sa ka­totohanan.

Simula pa lang, itinago ng DOTC ang kontrata sa publiko. Nang igiit ko na dapat ilabas ito dahil taumbayan ang pi­ nagbabayad nila ng $330 milyon, nagpalusot sila na kesyo ninakaw daw ang dadalawang kopya ng RP at China ilang oras lang matapos pirmahan. Nang tina­wa­nan ko ang kuwento, aba’y tinangka nilang palabasin na ako ang nagnakaw.