SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, May 16, 2008
NABABAHALA ang mundo. Sekretong nagtatayo ang China ng higanteng naval base sa Sanya, sa timog ng Hainan island-province. Strategic ang lokasyon ng base, kaya pakiwari ng military analysts ay igigiit ng China sa dahas ang claim nito sa Paracels at Spratlys, na buo o bahaging inaangkin din ng Taiwan, Vietnam, Malaysia, Brunei, at Pilipinas. Palalawakin din ng China ang saklaw sa South China Sea ng kanyang pinalalaking navy, na dati’y nakasiksik lang sa mainland base sa Yulin.
Natuklasan ng US at European spy satellites ang itinatayong base. Sa lawak ng pasilidad na nabatid sa malalakas na telescopes, kakasya sa Sanya ang hanggang tatlong aircraft carriers, at siyempre mas maliliit na warships. Inamin ng People’s Liberation Army nu’ng 2004 na maari nga sila magtayo ng base sa Sanya, pero hindi akalain ng analysts na gan’un kalaki. Hindi lang ‘yun. Dahil sa lalim ng tubig, may underground facilities din para sa pagbuo, pag-ayos at pagtago ng submarines. Ginagamit ang war subs para sa mga lihim at biglaang pagkilos ng navy. Hanggang walong subs ang kakasya sa Sanya, at namataan ng spy lenses ang apat na patungo kamakailan sa ginagawang base.
Ibinunyag ng Jane’s Information Group ang satellite reports; inulat ito nu’ng Huwebes sa Wall Street Journal. Ipinaalala sa ulat na nu’ng 1974, 1988, 1995 ay marahas na sinakop ng China ang ilang isla sa Spratlys na pag-aari ng Vietnam at Pilipinas. ‘Yung pinakahuli, tinayuan ng China ng naval facilities ang Mischief Reef, 200 km mula Palawan; hangga ngayo’y may nakatanod du’n na Chinese warship. Nu’ng 2007 nag-naval exercise ang China sa gitna ng Hainan at Paracels, bagay na ikinagalit ng Vietnam.
Ang Spratlys ay nasa gilid ng mahahalagang daan ng mga barkong komersiyal mula
Europe,
Africa,
Australia at
America. Mahina ang air force at navy ng Pilipinas,
kaya hindi ito napapatrulya nang lubos. Mahigit 350 milyong tonelada ng krudo ang dumadaan sa
South China Sea kada taon, bukod sa iba pang kalakal at pagkain. Manganganib ang mundo kung pairalin ng
China ang dahas imbis na diplomasya sa rehiyon.