Monday, May 19, 2008

Hindi ba nagtaka si GMA kay Abalos?

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, May 19, 2008

NABULABOG ang Malacañang sa balitang may bagong witness na naman sa ZTE scam. Nu’ng una, ngatog na pina­bulaanan ng mga tagapagsalita ng Palasyo na nakipag-golf sa ZTE executives sina Gloria at Mike Arro­yo sa Shenzhen nu’ng Nob. 2, 2006. Pero nang iharap ang retrato sa diyaryo, naalala nila bigla na naroon nga pala ang First Couple nu’ng naturang petsa. Hindi lang ‘yon, tumungo rin sila sa karatig na ZTE headquarters.

Nagpapalusot na ang admin sa masagwang pasyal ng Presidente sa supplier na noo’y sinusungkit ang broadband project niya. Kesyo raw sosyalan lang ang pagbisita sa ZTE, kesyo kasama ru’n si noo’y Speaker Joe de Venecia, kesyo limang buwan pa ang lumipas bago pirmahan ang telecoms deal. Nag-witch-hunt pa kung sino ang retratistang codenamed “Alex”. (Ani admin Sen. Miriam Santiago si opposition lawyer Alex Avisado ‘yon; pero teka, kung kaaway nila si Avisado, e bakit siya nasa presidential entourage?) Sabat ni bayaw Rep. Iggy Arroyo, tuta ng Lopez family si oppositionist Rolex Suplico dahil namigay ng mga retratong kuha ni “Alex” kaya nata­bunan ang mainit na isyu ng mahal na presyo ng kuryente ng Meralco. (Aha, e di tama pala ang hinala na biglang nila­bas ang Meralco issue para ilihis ng admin ang atensiyon mula sa ZTE scam.)

Iniiwasan ng Malacañang ang maseselang tanong: Bakit sinikreto nila sa press ang umano’y inosenteng sosyalan? Mas mahalaga, hindi ba nagduda ang Presi­dente kung bakit kasa-kasama ng ZTE execs si noo’y Comelec chairman Ben Abalos?

Tumutugma ang kuwento ni “Alex” kay Suplico sa mga testimonya sa Senado. Sinabi ni Joey de Venecia na nagku­wento noon ang tatay niya mula Shenzhen na sinabihan ni GMA si Abalos na gayahin ang build-operate-transfer proposal niya (Joey). Sabi naman ni Jun Lozada na gusto ni GMA nu’ng una ng malinis na B-O-T deal pero pumirma rin ng maa­nomalyang utang. At dagdag ni Dante Madriaga na kumubra ang grupo nila ni Abalos ng $1 milyon down payment mula sa ZTE nu’ng ikatlong linggo ng Oktubre 2006.