SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, May 12, 2008
INUUTO ng Napocor mafia ang Kongreso at Malaca- ñang. Pinapapaniwala ang mga mambabatas na dapat kuno baguhin ang Electric Power Industry Reform Act para magmura ang kuryente. Ipinatitira naman sa ehekutibo ang pribadong Meralco na nagtataas umano ng singil. Naitatago ng mafia ang bilyong-pisong pagnanakaw nila — na tunay na sanhi ng pagmahal.
Naisahan na ng Napocor mafia ang madla nu’ng 2007. Pinalabas na kapos sa coal ang apat na planta sa Luzon, kaya kailangan ng emergency imports para maiwasan ang blackouts. Animo’y scripted, bigla pang nag-trip ang kuryente sa buong rehiyon. Gipit sa oras ang “bidding” kaya wala halos nakasali. Dineklarang “failure of bid” kaya nakipag-negotiate na lang ang Napocor. Pumirma ng deal sa Hunter Valley Coal Corp. ng Australia, sa pamamagitan ng Glencore Far East Philippines AG, para sa paunang barko ng uling na 65,000 tonelada. Ang presyo ay $84 kada tonelada, sa palitang P50:$1. Pero ang bentahan noon sa Australia ay $30 lang kada tonelada. Samakatuwid, may overprice na $54 kada tonelada, o $3.51 milyon (P175.5 milyon) para sa unang barko pa lang nu’ng Abril 2007.
Aba’y umorder muli ang Napocor ng apat pang barko ng uling nu’ng Hulyo at Agosto. Kaya ang overprice ay pumalo sa $17.55 milyon (P877.5 milyon). Hinabla ng consumerists si Napocor president Cyril del Callar ng graft sa Ombudsman. Bukod sa lantaran ang pakana, sinuway din ang matagal nang utos ng Department of Energy na mag-imbak ng murang coal. Idinawit din sina Napocor VP-Logistics Eduardo Eroy, VP-Bidding Carlos Guadarrama, at Mancom secretariat head Urbano Mendiola Jr.
Nu’ng una, nangako ang Joint Congressional Power Commission na imbestigahan ang anomalya. Pero nag-abroad ang co-chairpersons, sina Sen. Miriam Santiago at Rep. Mikey Arroyo. Kinalimutan nila ang lahat.