Friday, May 9, 2008

Solusyon sa trapik

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, May 9, 2008

TRAFFIC engineer pero asiwa sa traffic signs si Hans Monderman. Um, okey sa Dutch na ito ang karatulang speed limit o kaya papalapit na kurbada. Pero karamihan ng nakapaskel sa daan ay, sa isip niya, walang silbi. “Tanggalin lahat ng road signs,” aniya. “Gumawa tayo ng mga kalsadang tila peligroso, at titino ang pagma­maneho ng mga motorista.”

Ipinagmamalaki ni Monderman, isang civil engineer at traffic expert na animo’y psychologist at social engineer din, ang isang dati’y magulo’t maaksidenteng kanto sa bayan ng Drachten, population 40,000. Araw-araw, 20,000 kotse at libu-libo pang motorsiklo at bisikleta ang dumadaan sa naturang intersection, bukod pa sa mas maraming pedestrians. Nu’ng 2007 binunot ni Monder­man ang mga walang-silbing babala sa kalye, ilaw-trapiko, at pedestrian lanes; pati bangketa binakbak. Ipinalit niya rito ang isang napaka-simpleng rotonda.

Walang road signs o speed limits, sidewalks o pedestrian lanes sa rotonda. Walang karatula ng kung sino’ng driver ang may right-of-way. Nakalilito ang porma, at ‘yon ang pakay ni Monderman. Aba’y natutong magbigayan ang mga motorista, at mag-ingat sa pagsagi sa nagla­lakad. Sa sulyapan lang ng mga mata, nagkaka­sundo na sila kung sino ang mauuna. Walang biglang preno o busina o bastos na senyas sa daliri.

Ani Monderman, hindi kayang ipatupad ng mga kara­tula ang gan’ung pag-uugali sa kalsada. Kailangan daw ipilit ‘yon sa disenyo o engineering ng kalsada. Ginagaya na ang tagumpay niya sa Austria, Germany, Denmark, Sweden, France, Spain, Britain at America.

Sa Christianfield, Denmark, inalis ang traffic signs at ilaw sa lahat nang malalaking kanto; bumaba sa isa mula tatlo kada taon ang namamatay sa aksidente. Sa Suffolk at Wilshire, England, binura ang lane markings sa gitna at gilid ng highways; bumagal ang takbo ng mga sasak­yan. Sa West Palm Beach, Florida, ginawang one-way ang makikitid na two-lane streets; naging pasyalan ito ng pedestrians dahil hindi na kabado maglakad. Balik sa Holland, ipinalit ni Monderman ang magagandang fountain rotundas ang iba pang magugulong intersections. Mas mataas ang talsik ng fountain sa mas matrapik na pook. Kumalma ang mga tsuper at nagbigayan.