Tuesday, May 27, 2008

Habang 40% nagugutom, yumayaman ang Arroyos

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, May 27, 2008

MAPAIT sa dila. Habang kapos sa pagkain ang 40% ng Pilipino, may yamang P500 milyon ang kanilang Pre­sidente at pamilya nito.

Hindi natin sinisisi ang mga Arroyo dahil mayaman sila. Pero kinakatawan nila ang naghaharing-uring pulitika — at hindi ginagamit ng uri nila ang poder para iahon ang masa mula sa kahirapan.

Dalawa sa bawat limang Pilipino ay tinuturing ang sarili na hikahos sa pagkain, ayon sa 1st-quarter 2008 survey ng Social Weather Stations. Aba’y 7.1 milyon pamilya sila, o 35.5 milyong indibidwal. Ang dami!

Samantala, lumago ng P11 milyon ang yaman ni Gloria Macapagal Arroyo sa isang taon, mula P88.6 milyon nu’ng 2006 tungong P99.6 milyon nu’ng 2007. Matindi rin ang assets ng dalawang anak na kongresista: Mikey, P155 milyon; Dato, P86 milyon. Ang kongresistang-bayaw na Iggy ay may P153 milyon.

Ang kabuuang yaman na kalahating-bilyong piso ay sa mga Arroyo lang sa national government, hindi kabilang ang nasa ahensiya o lokal na puwesto. Binubuo ang yaman ng mga bahay at lupain, alahas, furniture, pera sa banko, at stock certificates na panaginip lang ng karaniwang tao.

Samantala, itinataya ng mga ekonomista na P8,000 ang dapat na buwanang kita ng bawat pamilya para kumain man lang nang dalawang beses isang araw at may matirang konting pang-damit at gamot. ’Yun nga lang, karamihan sa kanila ay kalahati lang nun ang kinikita.

Katumbas ng yaman ng mga Arroyo ang inuuwi ng 125,000 pamilya na P4,000 lang kada buwan.

Bulok ang sistema natin. Habang naghahari ang mga pulitiko sa ekonomiya, umaasa na lang sa kanila ang mahi­hirap para sa lunas na hindi naman dumarating. Meron lang paminsan-minsang pabuya sa mahihirap: rice subsidy dito o katiting na wage increase diyan. Pero ang kadalasang inaatupag lang ay ang pagpapanatili sa puwesto — sa paraang legal o ilegal. Aba’y pork barrel at kickback ang kalakaran ng mga pulitiko, imbis na baguhin ang sistema upang magsilbi para sa masa.