Monday, May 5, 2008

‘Sorry, napatay kita’

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, May 5, 2008

SORRY na lang ba? ‘Yan ang mapait na tanong ng mga kaanak nina Andy Natividad, 50, at Vic Constantino, 30, na naipit at napatay sa bakbakan ng pulis at magnanakaw sa Maynila nu’ng Abril 23.

Nang mapatay ng pulis ang pitong lalaki at makasugat ng ika-walo, inanunsiyo agad nila na Waray-Waray gangsters ang mga nakasagupa sa Del Pan Bridge. Binigyan agad ng citations ang 23 officers. Pero di maitago ang katotohanan. Si Andy ay beer sales exec at si Vic ay company driver. Relyebo lang si Vic sa maysakit na regular driver ni Andy. Birthday niya nu’n kaya nag-blowout si Andy ng tanghalian. Pabalik na sila sa opisina nang mapagitna sa sagupaan ng pulis at lima lang, hindi walo, na holdup suspects. ‘Yung nasugatan ay tindero na naipit lang din sa crossfire.

Nag-sorry ang pamunuan ng pulisya sa dalawang angkan. Pero ikinaila agad nila na pulis ang nakapatay kina Andy at Vic. Kesyo raw binaril sila ng isang holdaper sa tangkang agawin ang pickup nila. Kesyo raw lumabas sila sa sasakyan para umiwas sa putukan, at binaril ng mga litong holdaper. Pero sa official report, sa likurang upuan natagpuan ang dalawang duguan; buo ang mga pinto’t bin-tana ng pickup bagamat flat ang isang gulong. Nagko­kontrahan ang mga ulat ng pulisya. Kaya sabi ni Carla na anak ni Andy, namatay ang ama niya sa kata­ngahan ng pulis.

Nakapagtataka pa ang autopsy report. Basag daw ang bungo ni Andy. Pumasok daw ang bala sa taas ng noo at, sa pababang trajectory, lumabas sa batok. Anang pinsang surgeon na si Dr. Dubarry Sioco, medico-legal expert, ibig sabihin nito ay nakaluhod o dapa si Andy nang barilin. Kaso walang tumatayong saksi sa katotohanan, aniya.

Lumabas pa ang katawa-tawang paraffin test sa mga pulis: Si Officer Harris lang, 23 ang positive sa powder burns. Imposible namang siya lang ang nakipagbarilan sa limang holdaper, pumatay kina Andy at Vic, at sumugat sa isa pang bystander. Ibig sabihin lang nito ay palpak ang paraffin test ng pulisya.

Pero sa bala malalaman ang katotohanan. Bakit ba hanggang ngayon ay wala pang ballistics matching ng mga balang nakuha sa katawan nina Andy at Vic at bore ng gun barrels ng mga pulis? May itinatago ba sila?