Friday, May 23, 2008

Epekto ng dagdag-sahod

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, May 23, 2008

GAANO kaya kasandali tayo magbubunyi sa dagdag-sahod mula sa regional wage boards, bago tayo lumuha dahil sa maramihang layoffs?

Itinatanong ko ito dahil sa nakababahalang statistics tungkol sa paggawa. Dalawampung beses nang nagtaas ng minimum wage sa loob ng 22 taon mula 1986. Umaangal ang mga negosyante na isa sa pinaka-mataas na sa East Asia ang halaga sa dolyar ng daily minimum wage sa Pilipinas. Heto ang listahan: Vietnam, $1.44-$1.77; Cambodia, $1.75; Indonesia, $3.70; China, $3.71; Thailand, $6.01; Pilipinas, $9.15. Ang mas mataas na lang kaysa atin ay ang mauunlad na Malaysia, Singapore, Taiwan at Hong Kong.

Ayon sa labor department, mula 2003 hanggang 2007 nabawasan ang dami ng manggagawa sa pormal na sektor — mga pabrika at opisina — mula 6.3 milyon hang­gang 4.7 milyon. Samantala, lumaki ang impormal na sektor — trabahador sa bahay, bukid, maliliit na tinda­han o negosyo — mula 21 milyon hanggang 27 milyon. Ibig sabihin nito, anang mga eksperto, nagbabawas ang mala­laking kompanya, opisina at pabrika ng empleyado. Napu­punta ito sa mga hindi rehistradong operasyon. Sanhi raw ito ng mataas na minimum wage, na hindi kayang bayaran ng mga negosyante.

Siyam na porsiyento lang ng 44 milyong work force ang may unyon. Naipaglalaban ng mga samahan nila ang kapakanan ng manggagawa. Samantala, maraming kompanya ang lantarang sumusuway sa minimum-wage orders. Kuwento nga sa akin ng isang labor official, may mga empleyado na nakikiusap sa kanila na huwag nang kasuhan ang amo nilang balasubas dahil baka magsara lang daw ang munting kompanya at mawalan pa sila ng pinagkakakitaan. Saklap!

Hindi ko sinasabing huwag dapat taasan ang mini- mum wage. Aba’y konti lang ang angat natin sa pan­daigdigang kahirapan. Sinukat ito ng United Nations sa pagkita ng $2 (P82-P84) lang kada araw bawat pamilya. Pero sana malunasan ang patuloy na layoffs mula sa formal sector, at ang paglabag sa minimum-wage orders. Kasi kung hindi, walang saysay ang 20 beses na increase sa 22 taon.