SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, May 2, 2008
TAON-taon iisa ang gimik tuwing sasapit ang Labor Day. Nagyayabang ang Malacañang na kesyo mahusay nitong napanatiling mababa ang langis at pagkain, kaya hindi na kuno kailangan ng taas-sahod. Pero ngayon iba ang tono ng Palasyo. Sa isang factory visit nu’ng nakaraang linggo, inutos ni Gloria Arroyo ang 10% umento sa gobyerno, at nagsabing sana ay taasan ang minimum wages sa pribadong sektor. Binantaan din ng mga kaalyado niya sa Kongreso na gigibain ang regional wage boards kung hindi magtataas ng mga sahod sa unang bahagi ng Mayo.
Ibig sabihin lang nito, nagapi ng inflation ang Arroyo admin, pero hindi nila ito aaminin. Isisisi nila sa mga sitwasyong panlabas ang pagtaas ng presyo ng gasolina, bigas at karne: OPEC cartel, pagkasiba ng India at China sa karne’t isda, at global warming na sumira sa ani. Nagpasiklab nga ang Malacañang araw-araw na kunwari’y tumutulong sa mahihirap, para pagtakpan ang tunay na sanhi ng kakulangan ngayon sa bigas: ang mga pagkakamali at pagnanakaw.
Taun-taon nitong nakaraang pitong taon, kapos nang 2 milyong tonelada ang aning bigas ng Pilipinas. Kung matino ang gobyerno, dapat nagbuhos noon pa ng pondo sa patubig, pataba, bilaran, kalsada, palengke at pautang sa magsasaka. Pero mas ginusto ng Malacañang mag-import. Kasi mabilis ang kickback doon — mula sa pagbili mismo ng bigas, at pati sa pag-upa ng barko at pag-supply ng sako.
Ngayon lang nagkukumahog ang Malacañang na magbuhos ng P48 bilyon para sa dagdag-ani. Hinihikayat ang mga magsasaka na mag-pangatlong tanim na may pautang para sa hybrid na binhi. Pasiklab lang!
Malaki nang salapi ang winaldas ng Malacañang sa kalokohan sa pananim. Nu’ng 2004, namahagi ng P780 milyon ang Malacañang point man Jocjoc Bolante para kunwari sa pataba, pero pangkampanya lang ni Arroyo. Kasabay nu’n, kinurakot ng Quedancor sa ilalim ng Office of the President ang P1.7 bilyon na para dapat sa hog dispersal. Kung tutuusin, kinulimbat ng admin ang para sa pananim, kaya tayo naghihirap ngayon.