SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, June 17, 2008
NAAALALA n’yo ba ‘yung kaso kamakailan ng limang pulis-Maynila na sapilitang pinakain ng shabu ang isang hotel chef na kinikikilan nila? Inalis ng nagngingitngit na pamunuan mula sa mobile patrol unit sina Sr. Insp. Rolando Mendoza, Insp. Nelson Lagasca, at Officers Nestor David, Wilson Gavino at Roderick Lopena. Ihinabla sila sa korte nang robbery, extortion, grave threats at physical injury, at sa National Police Commission nang pag-abuso sa awtoridad. Tapos, ipinatapon sila sa Mindanao, kung saan, ayon sa pamunuan, makatagpo sana nila ang katapat na kriminal.
Sa unang tingin, tila makatarungan ang pasya. Pero heto ang siste: Ipinagbabawal ng Napolcom ang paglipat ng pook ng pulis habang nililitis pa ang kasong administratibo.
Ayon sa Rule 17, Section 11 ng Napolcom Circular No. 2007-001 petsa Mar. 6, 2007, pinamagatang Uniform Rules of Procedure Before the Administrative Disciplinary Authorities and the Internal Affairs Service of the Philippine National Police: “Prohibition of Reassignment of Respondent During the Pendency of an Administrative Case. — A respondent PNP member shall not be reassigned or transferred to another city/municipal police station or unit during the pendency of the case, unless the concerned disciplinary authority or IAS certifies that the presence of the respondent is no longer necessary. Any superior who violates this provision shall be administratively liable for Irregularity in the Performance of Duty.”
Malinaw ang saklaw ng alituntunin: Mga pulis na nasasakdal sa kasong administratibo. Malinaw din ang pakay: kailangang parating available ang sakdal sa paglilitis ng Napolcom. (Kung sa kasong kriminal, maaring ipa-detain ng huwes ang sakdal o kaya’y pagpiyansahin. Kung witness naman, maaari siyang obligahin ng huwes na sumipot sa hearing.)