SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, June 23, 2008
NU’NG Mayo 17 pumutok ang balita: Tinangay ng may-ari ng Northcap Review Center sa Baguio ang P1.2 milyong siningil mula sa 1,067 nursing graduates na nagre-review para sa board exams nitong Hunyo. Pang-rehistro sana nila ang tig-P1,125 para makapag-test, pero dahil hindi umabot sa Professional Regulatory Commission ang bayad, hindi sila pinapag-exam. Nasayang din tuloy ang ibinayad nilang tig-P75,150 para sa tatlong buwang review classes na nauwi sa wala.
Sino ang dapat managot?
Isang krimen ang pagnakaw ng pera ng reviewers. Dapat iharap ng pulis at prosecutors ang salarin sa husgado. Pero hindi sana nakapanloko ang review center kung mahigpit itong sinusubaybayan ng Commission on Higher Education. Tungkulin ng CHED na i-accredit, regulahin at bantayan ang review centers. Matapos ang June 2006 nursing exam leakage mula sa tatlong review centers (sa Baguio rin), inutos ni President Gloria Arroyo na ipailalim sa CHED lahat ng review centers. Ginawa pang kondisyon sa pag-accredit sa kanila ang pag-tie-up nila sa mga accredited din na kolehiyo, para nga naman mahusay ang pagtuturo.
Ani Dr. William Medrano mismo bilang CHED executive director, naiwasan sana ang panloloko ng Northcap. Pero hindi na niya itinuloy ang sasabihin. Marahil naisip niya ang malaking kasalanan ng ahensiya niya.
Nu’ng Nob. 28, 2007 kasi dapat ang deadline na ibinigay ng CHED sa halos 800 review centers na magpa-accredit. Pero nang malapit na ang petsa, in-extend ng CHED ang deadline nang anim na buwan, hanggang Mayo 28, 2008. Nakalusot tuloy ang Northcap sa supervision ng CHED.
Nang i-extend ang deadline, 30 nang matitinong centers ang na-accredit at 50 pa ang nag-file ng application.
Sa huli na lang nakita ng CHED ang pagkakamali. Hindi lang pala 1,067 nursing reviewers kundi 21 midwifery graduates din ang dinidal ng Northcap. Siningil nang tig-P800 ang midwifery examinees at P1,125 ang nursing, gayong P600 at P800 lang pala ang singil ng PRC sa pagrehistro.