Tuesday, June 10, 2008

Dagdag-bus hindi na kaya ng EDSA

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon. Tuesday, June 10, 2008

HINDI lang sa isyu ng e-jeepney kontra-pelo ang DOTC officials. Pati sa pagpapaluwag ng EDSA at pagpapa­unlad sa Southern Tagalog, basag din.

Maaalalang sobrang trapik dati sa EDSA. Mahigit 4,800 ang bus, kalahati ang kolorum na walang prangkisa mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Ang tagal ng paghihintay ng mga pasahero sa pagpuno ng mga biyahe. At nalulugi ang mga operator.

Nang mapuwesto sa LTFRB si Len Bautista, nagsa­gawa siya ng Metro Bus Routes Rationalization Program. Batay sa masusing pag-aaral, napag-alaman na dapat ay 3,500 bus lang ang payagan sa EDSA para maba­wasan ang trapik (at polusyon), maginhawahan ang pasahero, at kumita ang mga lehitimong operators. Pero 2,900 lang ang prangkisa ng bus na aktwal na inapru­bahan — dahil ‘yon lang ang malilinis ang papeles, at kaya nang isakay lahat ng pasahero.

Inalis bigla si Bautista nu’ng 2006. Ibinasura ng kapalit ang route rationalization. Sa dahilang kaya pa naman daw magdagdag ng bus sa EDSA, nag-apruba ito ng 2,400 pang prangkisa bukod sa naunang 2,900. Pati mga prangkisang mahigit dalawang taon nang abandonado, binuhay. Ipinagmalaki ng LTFRB na wala nang kolorum — dahil may prangkisa na lahat, pati mga nagpapaupa lang ng franchise sa malalaking operators.

Kaya ngayon, 5,300 ang nagsisiksikang bus sa EDSA. Balik ang trapik; nalulugi ang operators. Hindi na naman magkandaugaga si MMDA chairman Bayani Fernando sa pagsasaayos ng trapik.

Samantala, kailangang-kailangan ng mga bus na magdadala ng manggagawa sa mga pabrika sa Sta. Rosa at paligid na bayan sa Laguna, mula sa Quezon, Batangas at Cavite. Dito sana nagbukas ng bagong ruta ang LTFRB, para umunlad ang Southern Tagalog at mabawasan ang paninikip sa Metro Manila.

Hindi maasahan ang transport officials na gawin ang tama. Sa pag-classify lang ng e-jeepneys, na kailangan para mairehistro ito, inabot nang sampung buwan para lang maisip ang itatawag na “low-speed vehicle.”