SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, June 13, 2008
‘YAN lang ba ang magagawa ng Arroyo admin sa harap ng krisis pang-kabuhayan — maglimos sa mahihirap? Hindi ba kaya maglunsad ng mga proyektong mag-aangat sa hene-henerasyon? Ni hindi naman kanila ang perang ipinamimi-gay, kundi sa atin. Nagpapapogi sila, pero gastos natin.
Pampalubag-loob ang tig-P500 pang-kuryente sa 4 milyon pamilya. Pantakip lang ang P2 bilyon sa pagkabigo ng admin ibaba ang presyo ng kuryente, na ipinangako
Kaduda-duda ang tig-P1,500 pam-fertilizer ng magsasaka. Malaking ingay ang pag-anunsiyo nito ng Malacañang — pero hindi masabi kung ilan at saan ang magsasakang tatanggap. Animo’y pampakalma lang sa mga hindi nakapagbenta ng palay sa magandang presyo nitong nakaraang ani dahil sa raids ng admin sa mga guniguning hoarders. Pero dahil walang totoong talaan ng mga bibiyayaang magsasaka, malamang ay nakawin lang ang pondo. Hindi pa sila nakuntento sa P728 milyong kinupit sa pamamagitan ng ghost fertilizer deliveries ni Jocjoc Bolante nu’ng 2004 at P2 bilyon mula sa ghost swine dispersal nu’ng 2007.
Nagkunwaring abala ang Malacañang sa mga unang ipinang-limos. Pinantakip ang murang NFA rice sa mababang ani dahil sa pagkalulong ng admin sa kickback mula sa imported cereals. Pantakip din ang P2-per-liter discount sa diesel ng jeepney drivers na hindi matulu- ngang magpa-convert sa de-bateryang makina. Iba pang panakip-butas: Hiwalay na P500 kada pamilya para pagkain at P300 kada anak, wala nang uniforms sa public schools, walang dagdag-tuition sa state colleges, at pagpuwersa sa mga pribadong grupo na ilibre ang text-messaging at highway toll.