SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, June 6, 2008
TILA ang banggaan ng Malacañang at Meralco ay away talaga ng angkang Arroyo at Lopez. Sumiklab nang akusahan ni Gloria Arroyo ang Lopezes, imbis na ang mga mangongotong niya sa Napocor, na sanhi ng mahal na kuryente. Sagot naman ng Lopez spokesmen, sinasakal ng Arroyos ang Meralco para gantihan ang kritikong ABS-CBN media network nila.
Walong dekada noon nang unang magtunggali ang pamilya Lopez at Arroyo. Taon 1929 sa Iloilo City binuhay ni Eugenio “Eñing” Lopez, 28, ang diyaryo El Tiempo ng yumaong ama. Agad nitong in-expose ang jueteng sa pamumuno ni Tsinong si Sualoy, na protektado nina Gov. Mariano Pidal Arroyo, police chief Marcelo Buenaflor at kapatid na Congressman Tomas Buenaflor.
Pinaka-makapangyarihang tao si Arroyo sa Iloilo, ani Raul Rodrigo sa librong The Saga of the Lopez Family. Kapatid siya ni yumaong Sen. Jose Pidal Arroyo, kaibigan ni Senate President Manuel Quezon. Pero hindi natinag si Lopez sa pagtuligsa. Napansin siya ng opisyales sa Maynila. Marso 1930, ni-raid ng Konstabularyo ang vice den ni Sualoy; kinulong at pagkatapos ay dineport siya sa China. Umigting ang labanan. Ginulpi ng goon ni Arroyo ang editor-in-chief ng El Tiempo. Dinemanda rin ni Arroyo ng libel si Lopez, na nagsampa naman ng administrative charges.
Nilayuan nina Quezon at mga Nacionalista si Arroyo dahil sa tindi ng exposés. Pina-imbestigahan ni Governor General Dwight Davis ang gusot. Pinawalang-sala si Lopez. Pero sinibak si Arroyo sa puwesto nu’ng Oktubre 1930 dahil sa matinding katiwalian.
Nu’ng dekada-’50 tinatag ni Lopez ang diyaryong Chronicle at ABS-CBN, at binili ang Meralco. Pinamunuan ng anak na Eugenio Jr. at Oscar ang negosyong pamilya. Nag-chairman ng Meralco ang anak na Manuel.
Lumipat ang bumagsak na angkang Arroyo sa Negros Occidental. Isa sa mga anak ni Jesusa Lacson, biyuda ng Senador Jose, ay si Ignacio — ama ni First Gentleman Mike at Rep. Ignacio Arroyo Jr. Ama si Mike ni Rep. Mikey Arroyo. Nasangkot sila kamakailan sa jueteng payola.