SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Miyerkoles, June 4, 2008
HINDI lang pala sa Pilipinas asal ng pulitiko na kumilos batay lang sa planong kandidatura. Gan’un din sa United States. At nilantad ‘yan sa bagong libro ng walang iba kundi si dating White House spokesman Scott McClellan, tungkol kay President George W. Bush.
Anang dating loyalistang McClellan, puro pansariling propaganda imbis na kapakanan ng mamamayan ang inaatupag ng amo. Permanente silang nangangampanya, aniya, mula nang sumali sa admin nu’ng 2002, matapos ang unang taon sa unang termino ni Bush. Minanipula nila ang opinyong publiko para suportahan ang mga masasamang desisyon, tulad ng paglusob sa Iraq at pagwaldas ng perang pangkalusugan. Aniya, isang mata ni Bush ay palaging nakasulyap sa kalendaryo — sa kampanya nu’ng 2002 para sa Kongreso, at nu’ng 2004 para sa ikalawang termino niya.
Dinetalye ni McClellan ang pagpo-propaganda. Tuwing umaga, nagkakaisa sila kung ano ang magiging opisyal na linya sa partikular na isyu. Tapos, ikakalat ‘yon sa pamamagitan ng e-mail. conference calls at briefings para sa Cabinet, ambassadors, kaibigan sa Kongreso, media at civil society. Kung may lumihis sa linya, sinisibak o sinasabon ni Bush. Gusto niya ayos palagi lahat para sa kampanya.
Dito sa Pinas, pinupuna ni Sen. Miriam Santiago ang mga kapwa pulitiko na lumalabas na endorsers sa product ads. Isang paraan ito ng premature campaigning aniya, dahil ipinapaskel ang mga mukha ng pulitiko sa billboards, TV at pahayagan. Paglabag daw ito sa Omnibus Election Code, kaya hiningan niya ng opinyon ang Comelec.
Aba’y hindi pa nakakasagot ang commissioners, bigla nang sumabat ang Comelec spokesman. Inopinyon niya na walang paglabag ang mga pulitikong product endorsers kung hindi pa sila nagpa-file ng certificate of candidacy. Kapag may certificate na pero nangampanya miski hindi pa nagsisimula ang campaign period, saka lang daw maaring kasuhan.