Monday, July 28, 2008

Araw aksayado sa ulat ni GMA

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, July 28, 2008

NEGATIVE 38 percent ang performance rating ng madla kay Gloria Macapagal Arroyo nitong Hunyo, mas lumala pa kaysa negative 26 percent nu’ng Marso. Ito’y sa kabila ng pamimigay niya ng kung ano-anong limos na panakip-butas sa krisis: NFA rice na P18.50 per kilo, P500 kada pamilyang gumamit lang ng 50 kilowatt-hours na kuryente nu’ng Hunyo, P500 pa muli sa kada sertipikadong hikahos, at planong subsidy sa fertilizer at diesel.

Anang anak na Rep. Mikey Arroyo, bagsak ang rating ng ina dahil sa pagsipa ng presyo ng gasolina at bigas. Mali siya. Bagsak ang marka ni GMA dahil basag na ang tiwala sa kanya ng taumbayan. Aba’y 40 percent ang nagsasabing mambibilog na naman siya ng ulo sa araw na ito ng State of the Nation Address; 14 percent lang ang naniniwalang magpapakatotoo siya. Mas malala ito kaysa nakaraang SONA nu’ng 29 percent ang nagsabing magbubulaan siya at pareho lang na 13 percent ang palagay ang loob ng magsasabi siya ng totoo.

Milyong-piso ang gagastahin para sa seremoniyas ng SONA sa Kongreso: Bulaklak, dekorasyon at cocktails sa Batasan; parada ng mga sasakyan ng mataas na pinuno, at mobilisasyon ng pulis sa kalsada. Pero makikinig ang taumbayan para lang tuyain ang Pangulo. Alam nilang hindi naman niya haharapin ang mga bumabagabag na isyu:

• Pagsangkot ng kanyang asawa at iba pang kaanak at katoto sa bilyong-pisong katiwalian sa ZTE, Northrail at Southrail deals; Transco sale; fertilizer scam; swine scam; at marami pang iba. Aba’y malakas ang hugong na bumili na raw ang First Couple ng mansion sa Portugal, kung saan tatakbo matapos ang termino. Wala kasing extradition treaty ang Pilipinas sa bansang ‘yon, kaya makakalusot sila sa kasong plunder.

• Binali ni GMA ang batas at proseso para maluklok nu’ng 2004 at pagtakpan ang mga sumunod na pangu­ngulimbat.

• Nagtahimik habang pumatay ang militar ng 800 militante.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com