SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon
Tuesday, July 15, 2008
AYAW umamin si Cora dela Paz kung bakit tila paspasan siyang inalis ng MalacaƱang bilang presidente ng SSS. Pero tiniyak niyang may kinalaman ang pulitika. At nang mag-press con siya para batiin ang kapalit na Romy Neri, nanawagan din siya sa 27 milyong kasapi: bantayan ninyo ang halos P250 bilyong pera ninyo sa SSS.
Makahulugan ang babala ni Dela Paz. Kasing tindi ‘yon ng batikos nina Sen. Chiz Escudero, Mar Roxas, Ping Lacson at Nene Pimentel na hindi dapat ang kontrobersiyal na si Neri ang ipinalit kay Dela Paz. Lalo na’t, sa pagtatakip nito sa ZTE scam, napatunayang mas itataguyod ni Neri ang interes ng amo na si Presidente Gloria Arroyo imbis na publiko.
Napatunayan sa kasaysayan na ginagamit ng mga Presidente ang kapangyarihang magtalaga ng SSS CEO para sa sarili. Merong gumigimik na papogi at itinataas ang pensiyon miski hindi ito kayang bayaran ng SSS; merong tahasang kumi-kickback mula sa stock market transactions ng SSS, na pumapalo nang P200 milyon araw-araw. (Naaalala n’yo ang sapilitang pagpapautang ng SSS sa mga nasalanta ng bagyo, na hindi nabayaran? E ‘yung BW Resources stock market scandal nu’ng panahon ni Erap?)
Sa pagka-ganid sa kurakot ng administrasyong Arroyo, hindi nakakagulat kung pag-interesan ng mga buwitre ang private mutual provident fund na pinangangasiwaan ng gobyerno.
Tatlo ang rason kung bakit sinibak si Dela Paz, ayon sa hugung-hugong sa SSS:
• Tinutulan niya ang kagustuhan ng Arroyo economic advisers na bumili ang SSS nang marami pang Meralco shares (pambambo sa Lopezes);
• Tinanggihan niya ang pagtustos ng SSS sa universal ID system; at
• Hinarang niya ang balak ng isang stock broker na malapit sa MalacaƱang na maging solong trader ng P200 milyon araw-araw ng SSS.
Magbantay tayo, para hindi tayo maisahan sa termino ni Neri.
* * *