SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, July 29, 2008
DALAWANG dekada nang lumulubog ang sistemang edukasyon. Lagpak ang mga Pilipino sa international tests sa Math at Science, at pumupurol na sa English. Naghahabol ang gobyerno sa paglimbag ng textbooks, pag-recruit at pag-train ng mga guro, at pagtayo ng classrooms.
Palpak ang lahat. Sa paggawa ng school buildings, may malalang kakulangan na: mga kubeta. Halos lahat ng 43,000 na public elementary at high schools sa kapuluan ay walang palikuran: gripo para paghugasan ng kamay at kagamitan, at inodoro. At 24,000 sa halos 80,000 na gusali sa 43,000 schools na ito ay tutumba na sa kalumaan at kapabayaan.
Anang Alliance of Concerned Teachers, meron lang isang kubeta para sa kada 51 elementary pupils, at isa kada 102 high school students sa bansa. Pinaka-malala sa Autonomous Region for Muslim Mindanao: 1:171 sa elementary, at 1:250 sa high school. Miski sa Metro
Obvious ang masamang epekto nito. Nalalapit sa sakit ang mag-aaral, at tinuturuan sila ng maling asal sa kalinisan at kalusugan. Inaamin ni Education Sec. Jesli Lapus ang kakulangan. Pera ang suliranin. Ang budget nila ay para lang pampatayo ng classroom, hindi kasama ang kubeta. Iniaasa nila ‘yon sa local government units o sa mayayamang kumpanya at indibidwal sa purok.
Sa isang Metro Manila public school 2,031 bata ang naghahalinhinan sa kaisa-isang gumaganang inodoro. Kung lahat sila ay gagamit nang miski tig-2 minuto lang, maghihintay nang 65 oras ang huling bata sa pila para makagamit. Samantala, pinagkukumisyonan ng mga opisyales ang pork barrel na P200 milyon kada senator at P70 milyon kada congressman, at kinukulimbat ng mga taga-executive ang public contracts.
Malimit sabihin na kabataan ang pag-asa ng kinabukasan. Seryoso ba ‘yan, o sabi-sabi lang sa mga pinabayaang mag-aaral?
* * *