SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, July 1, 2008
INEKSAMEN ng National Police Commission nu’ng Mayo ang 542 high officials ng Philippine National Police. Ang Police Executive Service Exam ay para sa mga nais ma-promote na senior o chief superintendent, director o deputy director general. Aba’y 149 lang ang pumasa, 27%, samantalang 393 ang bumagsak sa Luzon, Visayas at Mindanao. Bakit gan’un?
Anang isa sa mga pumasa, nagsilagpak ang mga naguguluhan ng pulitika ang pag-iisip. Ilan kasi sa mga tanong ay panukat sa kakayahan ng opisyal dumesisyon kontra sa emosyon at ayon sa matuwid.
Halimbawa na tanong ay kung merong jueteng sa pook na pinangangasiwaan ng ineeksamen na opisyal. Natural lang na dapat puksain ang ilegal na sugal. Pero merong mga kolatilya ang tanong: paano kung ayaw ng immediate superior na makialam siya sa anti-gambling, o pinahihinto ng provincial governor ang ilegal na bisyo, o ang PNP director general mismo ay nakakaalam ng jueteng sa pook pero ayaw kumilos dahil ang pinaka-mataas na amo mismo ay may “tong-pats”.
Aba’y may mga sagot na natural nilang susunurin ang miski ilegal na utos ng immediate superior, susuwayin ang civilian authority, at gagaya na maling pagtatahimik ng PNP chief. Buti nga at ibinagsak sila.
Pero ang nakakabagabag ay ito: kung 73% ng opisyales ay baluktot mag-isip, paano pa kaya ang ordinaryong mamang pulis?
Ang pulisya ay mala-militar na organisasyon. Tine-train ang pulis na sumunod sa utos at tumulad sa gawi ng nakatataas. Bihirang sitwasyon lang maaring kumontra; at miski sa bihirang ‘yon, maaring mapahamak ang naglakas-loob na magpakita ng sariling isip. Kaya natural lang na ang mamang pulis ay katulad ng pamunuan mag-isip at dumesisyon. Kung ang hepe ay takot o tuwirang nasusuhulan, gan’un din ang tauhan.