Friday, July 18, 2008

Kamatayan ipinaliwanag

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, July 18, 2008

MALALIM ang tingin ng malalang pasyente sa doctor, na papa-alis na sana sa examination room. “Doc, takot akong mamatay,” aniya. “Sabihin mo sa akin, ano ba ang nasa kabilang buhay?”

Marahan tumugon ang doktor, “Hindi ko alam.”

“Hindi mo alam?” usisa ng pasyente. “Kristiyano kang tao, pero hindi mo alam kung ano ang nasa kabilang buhay?”

Nakahawak ang doktor sa door knob; akmang pipihitin na niya ito. Sa kabila ng pinto narinig niya ang kaluskos at atungal. Pagkabukas niya ng pinto, sumu­ngaw ang aso at tumingkayad sa doktor upang ipakita baga ang labis na pagkatuwa.

Bumaling ang doktor sa pasyente at nagwika: “Na­pansin mo ba ang gawi ng aso ko? Ni minsan hindi pa siya nakaka­pasok sa kuwartong ito. Hindi niya alam kung ano ang nasa kuwarto. Ang alam lang niya ay nasa loob ang amo niya. At nang bumukas ang pintuan, lumukso siya papasok nang walang takot...

“Hindi ko talaga alam kung ano ang nasa kabila ng ka­matayan. Pero ito tiyak ko: Naroon ang aking Pangi­noon, at sapat na ‘yon para sa akin.”

* * *

Nasa edad ako kung saan marami akong kaibigan at kamag-anak na nasa balag na ng kamatayan. Mas madalas na nga ako makiramay sa burol at bumisita sa nasa ospital kaysa dumalo sa inuman. Malimit, sa lamay, sapat na ang mahigpit na pagyakap sa naiwan ng yumao para ipaabot ang taos-pusong pagdadalamhati. Sa pagbisita, sapat na ang salubong ng mga mata sa may­sakit upang ipaalam ang pakikiisa sa maselang kalagayan.

Paluhang bumubulong ang mga naiwan ng yumao na “nasa langit na siya.” Nagdarasal namang taimtim ang malubhang maysakit na sa langit mapunta. Pero may agam-agam sa sasapitin, tulad ng kaba ng mga naiwan na sapitin ang dinanas ng yumao. Takot sila — ako, tayo — sa kamatayan. Kung anu-ano ang naiisip natin dito: Madilim, malungkot, mahirap. Na­kakalimutan natin na sasalubungin nga pala tayo ng Diyos.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com