SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, July 7, 2008
HABANG binabagyo ni “Frank” ang Pilipinas, binagyo rin nina President Gloria Macapagal Arroyo at 73 senador, kongresista at taga-Gabinete ang America nu’ng nakaraang linggo. Sa bawat hintuan ipinagmalaki ni GMA ang 7% lundag ng ekonomiya nu’ng 2007. Sa $5,000-kada-platong kainan sa New York ibinida niya sa mga negosyanteng Amerikano ang paggawa niya ng infrastructures, at pagsa-pribado ng mga korporasyon ng estado.
Pero tila hindi kapani-paniwala. Dalawang linggo lang na nauna, kabaliktaran ang ipinakita ng mga punong kaalyado ni GMA sa Senado. Ipinaharap sa hearing ng committee on energy nu’ng Hunyo 6 ang mga pinuno ng mga negosyanteng taga-America, Canada, Europe, Japan, Korea, at Australia-New Zealand upang usisain tungkol sa liham nila kay GMA kontra sa pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act. Halinhinan sila binulyawan nina Sen. Juan Ponce Enrile at Joker Arroyo, at hindi man lang sila ipinagtanggol ng nagpatawag na chairwoman Miriam Santiago (kasama bumiyahe sa America). Hindi na nakapagsalita ang mga dayuhan dahil sa pambu-bully ng mga maka-GMA. “Para niyong awa, umalis kayo sa bansa namin kung ayaw niyo makisama,” ismid ni Enrile. At dagdag pa ni Santiago: “Hindi kayo maaring sumagot. Hindi kayo ang magpapasya kung ano ang maari niyong sabihin. Ako ang magpapasya.”
Di tulad ni GMA, malalim ang pagsusuri ng mga negos yanteng dayuhan sa Pilipinas sa pagkamahal ng kuryente. Anila napakataas ng royalty ng gobyerno sa natural gas mula sa Palawan, na pangningas sa 55% ng power plants sa Luzon. Sa ibang bansa, ni walang royalty sa langis kapag pansariling konsumo, pero dito 40% ang cut ng gobyerno. Kung alisin ito, maibababa nang hanggang 20% ang presyo ng kuryente.
Dagdag pa ng mga dayuhan, dapat isa-pribado na ang Napocor power plants, sang-ayon sa EPIRA. Sa gay’on, masisimulan na rin ang pagpili ng malalaking pabrika, instalasyon at ospital ng pinaka-murang supplier ng kuryente. Ang solusyon ay nasa pagpapatupad ng batas, hindi sa pag-amyenda. Nais ng dayuhan na tumupad sa usapan ang gobyerno.