SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon,
Tuesday, July 8, 2008
KUMUKULO ang dugo ng mga sumusubaybay sa Marine Inquiry sa pagbalentong at paglubog ng M/V Princess of the Stars. Kasi naman, lahat na lang ay sinisi ng may-aring Sulpicio Lines Inc., maliban sa sarili, sa pagkamatay ng 200 pasahero at crew at pagkawala ng 600 pa. Kesyo raw tadhana ang sakuna, isang “act of God”. Kinabukasan, kesyo judgment call daw ng kapitan ng barko — na hangga ngayon ay hindi makita — ang paglayag mula Maynila patungong Cebu miski masama ang panahon. Tapos, idedemanda raw ng kompanya ang weather bureau dahil hindi umano sila inabisuhan na dadaan ang Typhoon Frank sa ruta ng barko.
Sulpicio ang may sala sa naganap. Kung tutuusin, sumunod lang ang kapitan sa mga patakaran ng kompanya — na labag sa pandaigdigang safety rules. Ikalawa, isang radyo lang ang komunikasyon ng barko sa pampang, na hindi minamanmanan 24 oras, kaya hindi narinig ng crew ang babala na papalapit ang bagyo sa ruta nila. Ikatlo, hindi balansiyado ang barko; nagkarga ng mabibigat ng cargo pero hindi pinuno ng tubig ang ballast tanks para tumatag ang lakbay; sa halip naging mabuway ito.
Sa kabila ng ganitong mga sala ng Sulpicio, mapanlinlang pa ang mga kilos. Itinago nila sa Coast Guard na may karga pala silang restricted chemicals — nakalalasong endosulfan pesticide — na bawal isakay sa pampasaherong barko. Napahamak tuloy ang buhay ng divers na nagsisikap makapagligtas ng survivors sa pinaglubugan. Buti na lang at inamin ng Del Monte sa awtoridad na may gan’ung kargamento sila. Nag-ikot din ang bise presidente ng Sulpicio para magpapirma ng quit claim sa bawat biktimang inabutan niya ng P200,000, gayong ‘yun pala ang pinaka-mababang halaga na dapat nilang ipagkaloob, batay sa batas.