SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, July 11, 2008
NAKIPAGBULUNGAN ako sa taga-Commission on Higher Education. Inusisa ko kung ano ang naging desisyon ng en banc session kamakailan tungkol sa extension ng deadline hanggang Nobyembre 2008 ng review centers para magpa-accredit. Hiniling kasi ng 800 miyembro ng Review Centers Association of the Philippines na i-extend muli ang deadline — pangatlong beses na — para makipag-tie-up sa kolehiyo bago ma-accredit ng CHEd. Pero kinontra ito ng 30 miyembro ng Federation of Accredited Review Centers of the Philippines, na nagsabing delikado ang extension dahil mawawalan ng protek- siyon ang mga reviewers.
Ginawang obligado ang pag-tie-up ng review centers sa pinaka-malapit na accredited din na kolehiyo dahil sa dayaan sa nursing board exams nu’ng Hunyo 2006. Nakita ng CHEd noon na mabisa ang tie-up para pahusayin ang pagtuturo sa review centers. Nagbabala pa nga ang CHEd ilang beses na, kasabay ng pag-expire ng mga dating deadlines, na ipasasara nila ang review centers na hindi tutupad sa bagong patakaran.
Aba, nakapagtataka ang desisyon ng CHEd en banc kamakailan. Kesyo hindi raw sila kumbinsido na mainam nga ang patakarang pag-tie-up — na sila mismo ang umakda nu’ng Nobyembre 2006 at inamiyendahan nu’ng Mayo 2007. Ang pahiwatig ng desisyon ay ito: Hindi na kailangan ang tie-up sa kolehiyo.
Umaalma ang 30 kasapi ng FARCP. Bakit sila ay sumunod sa utos na nakipag-tie-up, kaya na-accredit mula pa 2007, pero ngayon ay magiging maluwag ang CHEd sa mga hindi makatupad na 800? Nasaan ang katarungan sa paghihigpit ng CHEd sa mga masunuring review centers, pero pabaya sa mga maraming suwail?
Lumalakas tuloy ang alingasaw na bumaha ng pera nu’ng Abril kaya in-extend ang deadline na Mayo 2008 hanggang Nobyembre 2008. Nagkaperahan man o hindi, biktima ng pagpapabaya ng CHEd ang libu-libong reviewers sa board exams ng nursing, midwifery, at iba pang kurso. Sinisingil sila nang P80,000 para sa review ng centers na walang batas.