SAPOL Ni Jarius Bondoc
Monday, October 1, 2007
KAHIT bali-baliktarin ng mga taga-depensa ng ZTE deal ang istorya, may mga katotohanang hindi mababali.
Una: Pinirmahan nina DOTC Sec. Leandro Mendoza at ZTE Corp. vice president Yu Yong ang “supply contract” sa Boao airport, Hainan, China, nu’ng Abril 21, 2007. Witness pa nga si President Gloria Arroyo, na iniwan ang mister na kaoopera pa lang sa puso. Kung ninakaw man o tinago lang nila ang umaalingasngas na kontrata, ang malinaw ay ni hindi kumibo si Arroyo.
Malinaw din na hindi “memorandum of agreement” kundi supply contract ang pinirmahan. Kaya hindi maikakaila na obligado na ang gobyerno na tuparin ito miski hindi kailangan at itinatago sa publiko.
Malinaw din na sa gitna ng election period na Enero 15-Hunyo 15 in-award ang kontrata. Labag ito sa Omnibus Election Code. Ang parusa: Anim na taon pagkabilanggo at permanenteng bawal na sa public office.
Ikalawa, may dalawang inetsapuwerang kakompi- tensiya ang ZTE Corp. Nag-offer ang Arescom Inc, ng US na i-supply ang parehong ekwipo ng ZTE sa ha lagang $135 milyon lamang. Offer naman ng Amsterdam Holdings Inc. na gumasta ng sariling $240 milyon. Sa ZTE: $330 milyon.
Hindi natalo sa bidding ang Arescom at AHI dahil walang naganap na bidding. Ani nina Mendoza at DOJ Sec. Raul Gonzalez, executiive agreement kuno kaya wala nang bidding-bidding pa para sa napakalaking halagang proyekto.
Ikatlo, si Chairman Ben Abalos na mismo ang umamin sa DZMM at DZBB na apat na beses siyang bumiyahe sa Shenzhen nu’ng 2006 sagot ng ZTE executives. Isang paglabag ito sa Code of Conduct and Ethical Standards, na nagbabawal ang pagtanggap ng mahalagang regalo.
Baliin na ng mga taga-depensa sa ZTE deal ang ilang detalye para guluhin ang kuwento. Pero hindi mababali ang katotohanan. Tiyak ‘yon.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com