SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, October 26, 2007
HINDI raw suhol kuno ang tig-P500,000 ipinamigay ng Malacañang sa 200 kongresista at 100 local officials –- P150 milyong total -– nitong nakaraang linggo. Kesyo allowances raw ‘yon.
Sino’ng niloloko ng Malacañang officials, congressmen at governors na nagsasabi nu’n. Anong “allowances” ang ipinagsasabi ninyo? Per diem, pambiyahe, pangtustos sa opisina? ‘Yan lang naman ang allowances na itinalaga ng batas. At ang nagbibigay niyan ay Congress finance office, sa mga kongresista, at ang kani-kanilang provincial capitol o city hall, sa mga gobernador at mayor. Walang pakialam ang Malacañang sa pamamahagi niyan – maliban lang sa pag-release ng pondo sa Kongreso mula sa Department of Budget and Management, at sa local governments sa pamamagitan ng Internal Revenue Allotment (IRA).
Kung Malacañang mismo ang namamahagi ng mga pondong ‘yan, ibig sabihin ay iniipit nito ang pera. Nire-release lang kung may kailangan ang Malacañang, lalo na ang Presidente, mula sa Kongreso o local governments. At kung iniipit nga ng Malacañang ang pondo, ‘yun ay paglabag sa batas. Nasa batas — ang taunang General Appropriations Act — na dapat otomatikong nire-release ng Ehekutibo ang pondo ng Kongreso at IRA ng local governments. Ang pagbali nu’n ay technical malversation.
Katulad na isyu rin ang pag-alok ng tig-P2 milyon cash at mabilisang release ng tig-P10 milyon pork barrel sa congressmen na pinapipirma sa huwad na impeachment complaint laban kay Gloria Arroyo. Hindi maaring ipitin ng Presidente ang paglabas ng pork barrel. Kung naiipit man ang pamamahagi, ito’y kasalanan ng mga mambabatas dahil pumapayag silang imaltrato ng Malacañang.