SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, October 12, 2007
MARAMING ibinunga ang exposé ko sa ZTE scam. Bukod sa pagbunsod ng full-blown inquiry ng tatlong komite sa Senado, full live broadcast coverage pa, lumiko-liko ito sa mga ibang isyu. Naroong sabihin ni Sen. Miriam Santiago na mga Tsino ang umimbento ng kultura at katiwalian — na nauwi sa pag-apologize niya sa Chinese embassy. Nagkaroon ng alitan ang iba pang senador ukol sa scheduling ng hearings. At nagbanggaan sina Sen. Joker Arroyo at isang broadsheet dahil sa pagbalita sa mga naganap sa sekretong executive session.
Nariyan ding binabalak patalsikin si Speaker Jose de Venecia Jr. bilang parusa sa pagsangkot ng kanyang anak na si Joey III kay First Gentleman Mike Arroyo sa ZTE scam. At nariyang kung anu-anong conspiracy theory ang lumalabas na kesyo sinusian lang daw ni JDV o ng isang mystery man ang anak at si Romy Neri para siraan sina Arroyo, Abalos at ZTE Corp.
Pati ako, dahil matiyagang nagbulgar ng anomalya mula Marso 2007 ay tinangkang isyuhin. Akala ko tapos na nang tanggalan ako ng TV show sa IBC-13 nu’ng Mayo dahil sa exposé at nang binalak ng gobyernong isangkot ako sa umano’y pagnakaw ng ZTE contract sa Boao dahil masyado raw akong maraming alam. Hindi pa pala tapos. Kinalat ng black propagandists na dahil De Venecia ang nanay ng misis ko, e pinaboran ko na agad ang isang panig. Hindi nila masabi ang katotohanan — na noong 1997 napahamak nang husto si Speaker De Venecia sa exposé ko ng PEA-Amari scam. Hindi rin nila masabi na ang tatay naman ni misis ay related din sa mga Abalos. (O, natameme sila!)
Pati ang paglahad ko sa Philippine STAR columns ng mga ikinuwento sa akin ni Neri pero hindi niya sinabi sa Senado, ginawang isyu sa media. May kolumnista pang nagbigay ng payo sa pamamahayag ko miski hindi ko naman ito hinihingi sa mga compromised na tao.