Tuesday, October 23, 2007

Suhol — lengguwahe ng administrasyon

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, October 23, 2007

SUNUD-SUNOD na panunuhol — ‘yan ang nabistong gawain ng administrasyong Arroyo nitong nakaraang ilang linggo.

Ang pinaka-huli ay ang inamin ni Pampanga Gov. Ed Panlilio. Namigay pala ang Malacañang ng tig-P500,000 sa mga isang daang gobernador at opisyales ng League of Governors of the Philippines at Union of Local Authorities of the Philippines. Tumataginting na P50 milyon ang ipinamahagi ng Malacañang. ‘Yan ay matapos silang magkaisa na huwag makialam sa impeachment complaint laban kay Gloria Arroyo sa Kongreso. Ikinagalak tiyak ng Presidente ang desisyon, siyempre.

Ilang araw lang na nauna, namigay din ng P500,000 ang Malacañang sa 200 kongresista. Namumutiktik na P100 milyon ang isinuhol para ipitin si Speaker Jose de Venecia Jr. na, sa pamamagitan ng proxy, ipakatay na sa justice committee ang impeachment case.

At ilang araw lang muli, inalok nang tig-P2 milyon ang anim na opposition congressmen para i-endorse ang impeachment case na pakana pala ng mga kapartido rin ni Arroyo. Panglansi lang pala ang kaso, nakaplano nang ibasura, para wala nang impeachment case na isampa laban kay Arroyo sa loob ng isang taon, alinsunod sa Konstitusyon.

Saan nanggaling ang perang pansuhol kundi sa ibinayad nating buwis?

Ang impeachment case ay nagbuhat sa dalawang insidente rin ng panunuhol. Umano, tinangka ni Benjamin Abalos paatrasin si Joey de Venecia III mula sa broadband project sa halagang $10 milyon. Umano rin, tinangka niya pasuportahin si Sec. Romy Neri sa maanomalyang kontrata sa halagang P200 milyon. Kung natuloy ang P16 bilyong telecoms deal sa ZTE Corp., taumbayan ang magtutustos ng P10 bilyong overprice, kasama sana ang mga inialok kina Joey at Neri. Wala raw ginawa si Arroyo laban sa kapartidong Abalos, kaya kinasuhan ng betrayal of public trust.

Kapansin-pansin na ang trend. Panunuhol na ang lengguwahe ng administrasyong Arroyo. At tatlong taon pa itong magpapatuloy.