SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, October 16, 2007
HUWAG sanang gayahin ng Opposition congressmen ang asal ng ehekutibo. Nang isumbong ni Romy Neri kay Gloria Arroyo ang tangkang panunuhol umano ni Benjamin Abalos ng P200 milyon para ilusot ang broadband deal, walang ginawa ang Punong Ehekutibo. Sumumpa ito sa pagka-Presidente na ipapatupad ang mga batas. Pero walang sinumang hinabla ng “corrupting a public official.” Hindi tinupad ang tungkulin.
Sa Kamara tinangka umano ni Malacañang operator Francis Ver na suhulan ng P2 milyon si Rep. Crispin Beltran. Ani Minority Leader Ronnie Zamora, isa lang si Ver sa tatlong opisyal ng Kampi Party ni Arroyo na nagtangkang magpapirma sa lima pang minority congressmen sa pekeng impeachment case laban sa Presidente. Peke ang kaso dahil katulad ito ng mga dating apurahang habla kay Arroyo na pampaudlot lang sa mga tunay na impeachment case na nililimita ng Constitution sa isa kada taon. Peke ito dahil ang naghabla, si Roel Pulido, ay itinataas si Joey de Venecia bilang testigo laban kay Arroyo pero idiniin naman sa kaso sa Ombudsman. Peke ito dahil kaalyado ni Arroyo ang endorser na Rep. Edgar San Luis, na umaming hindi niya tiningnan ang laman ng kaso at tatanawin lang kung hanggang saan ito aabot. Peke ito, higit sa lahat, dahil kailangan pa nito ng suhol para umandar. Sa madaling salita, may motibo para manuhol ang mga alipores ni Arroyo.
Kapag naudlot ang panunuhol — dahil nabisto o kaya, tulad ng sa insidenteng ito, hindi tinanggap ang maruming alok — dapat pa ring kasuhan ang manunuhol. Ang nilabag nito ay “corrupting a public official” na sa Revised Penal Code ay maaring ikakulong ng 20 taon.
Tularan kaya ng mga taga-Oposisyon ang masamang ehemplo ng Ehekutibo ng pagpapabaya sa batas? O itaguyod kaya ni Beltran ang Penal Code sa pamamagitan ng paghabla sa nagtangkang bumili ng kanyang prinsipyo? Malalaman natin ‘yan sa mga darating na araw.
* * *