SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Monday, October 29, 2007
INAMIN ni Presidente Arroyo mismo na aani ng batikos ang pag-pardon niya kay convicted plunderer Joseph Estrada. Hati ang reaksiyon ng bayan sa desisyon. Merong galit, merong masaya. Pati mga obispong Katoliko ay hati. Anang ilan paano naman ang iba pang convicts kung si Erap lang ang papaboran dahil dating Presidente. Sabi naman ni Cardinal Ricardo Vidal, na pinaka-matandang obispo, mauuwi sa pagkakaisa ang pagpapatawad.
Una sa mga kontra-pardon si Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio, na namuno sa pag-usig kay Erap sa Sandiganbayan mula pa 2001. Nagsampa siya ng motion sa Korte Suprema para ipabawi ang presidential pardon. Aniya, nilabag ni Arroyo ang Constitution at procedures. Ayon daw sa Saligang Batas, maaring magpatawad ng convict ang Presidente — maliban lang sa impeachment. E malinaw naman daw, ani Villa-Ignacio, na na-impeach si Erap nu’ng Nov. 2000, ‘yun nga lang hindi natapos ang paglilitis sa Senado dahil nag-People Power-2. Dagdag pa niya, kinaligtaan ang mga bagong alituntunin ng Board of Paroles and Pardons. Dapat daw, nagkaroon muna ng masusing pag-aaral kung nararapat nga ang pardon. Dapat din ay nagpakita ang convict ng pagsisisi bago ma-pardon. Isang pruweba nito ang pagbayad ng anomang iniutos ng korte na indemnity. Sa kaso ni Erap, na na-convict nu’ng September lang, inutos ng korte na isoli ang P1 bilyong tinangay mula sa jueteng.
Tatawa-tawa lang si Rene Saguisag, ex-senator na abogado ni Erap. Nakalaya na kasi ang kliyente niya, kaya tapos na ang usapan. Mahirap nang bawiin ang presidential pardon. Malabo nang usisain kung binali ang procedures. Kumbaga, naghahabol na lang si Villa-Ignacio sa tambol-mayor. Tungkol sa impeachment, ani Saguisag, hindi nga natapos ang trial pero nagkaroon ng panibagong kaso sa Sandiganbayan. Tungkol sa P1 bilyon, makontento na lang daw ang korte sa P2,000 natitira sa banko.